Sa kaniyang mensahe sa paggunita ng ika-126 na Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas, inihayag ng pangunahing tagapagsalita, Igg. Ferdinand Martin G. Romualdez ang kaniyang pagkilala sa mga ninuno nating nagtaguyod ng kalayaan ng bansa.

Binigyang diin niya na ang pagdiriwang ng araw ng kalayaan, na may temang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasarinlan”, na hindi lang ginugunita ang kabayanihan ng ating mga ninuno, kundi tinatanggap din natin ang hamon na kanilang iniwan.

“Tayo bilang isang Pilipino sa makabagong panahon ay may tungkuling ipagpatuloy ang laban para sa kalayaan”, dagdag pa niya.

Samantala, nagbalik-tanaw naman si Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad sa mga kaganapan sa araw na ito, mahigit isandaang taon na ang nakakalipas. Binigyan din niya ng pagkikala ang Barasoain Church na naging saksi sa ilang makasaysayang pangyayari sa ating bansa.

Dumalo rin at nakiisa sa pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni dating pangulo Emilio Aguinaldo at pagtaas ng watawat ng Pilipinas sina Kinatawan ng Pambansang Komisyon ng Kasaysayan ng Pilipinas Gng. Gina C. Batuhan, Punong Lalawigan Daniel R. Fernando, Pangalawang Punong Lalawigan Alexis C. Castro, PNP Regional Director Reg III PBGen. Jose S. Hidalgo Jr., Pangalawang Punong Lungsod Miguel Alberto T. Bautista at iba pang mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan at Pamahalaang Lungsod ng Malolos.