Sa pangunguna ng City Disaster Risk Reduction Management Office, matagumpay na naisagawa ang 4th Agila Rescuelympics kaalinsabay sa pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month na may temang “Bantayog ng Katatagan at ang Pagbubuklod sa Layuning Kahandaan” ngayong ika-3 ng Agosto 2024 na ginanap sa Malolos City Hall.

Ayon kay LDRRMO IV Kathrina Pia Pedro, layunin ng programa na pahusayin at palakasin ang kakayahan ng mga barangay emergency response teams sa pagtugon sa iba’t ibang uri ng emergency kung saan ito ay nagsilbing assessment ng kanilang natutunan mula sa mga trainings na kanilang dinaluhan. Sinabi din niya na ang programang ito ay hindi lamang isang kompetisyon kundi isang pagsusuri kung gaano na kahanda ang bawat barangay sa pagharap sa mga aktuwal na sitwasyon ng emergency.

Dagdag pa ni Pedro, ngayong taon ay binigyang-pansin ang kakayahan ng mga kalahok sa situational analysis partikular kung paano sila mabilis at epektibong makakatugon sa bawat sitwasyon habang tinitiyak ang kaligtasan ng mga biktima sa aksidente o sakuna.

Sa mensahe ni PCol Manuel Lukban Jr, mahalaga ang paghahanda at kaalaman sa disaster response lalo na sa antas ng barangay dahil ang pagiging epektibo sa pagtugon sa mga sakuna ay nakasalalay sa pagiging maagap at handa ng bawat isa sa lokal na antas. Dagdag pa niya ay magandang pagkakataon ang programang ito para mahasa ang kaalaman at kakayahan sa pagresponde sa mga sakuna at sa oras ng pangangailangan.

Nakilahok sa programa ang 16 na barangay sa lungsod na binubuo ng 10 miyembro kada team kung saan sinubok ang kanilang kakayahan sa pagresponde sa tatlong istasyon kabilang ang Fire Suppression at First Aid, Cardiopulmonary Resuscitation (CPR), at Mass Casualty Incident Management na kinakailangan nila matapos sa loob ng 10 hanggang 15 minuto na pag-responde.

Ang mga nagwagi ay ang mga sumusunod:

Champion: Brgy.Sumapang Matanda

1st Runner Up: Brgy.Bulihan

2nd Runner Up: Brgy.Bagong Bayan

Best Muse: Brgy.Sumapang Matanda

Best in Uniform: Brgy.Barihan

Best in Situational Analysis in;

Fire Suppression: Brgy.Bungahan

Cardiopulmonary Resuscitation: Brgy.Taal

Mass Casualty Incident Management: Brgy.Babatnin

Ang bawat barangay na nagwagi 4th Agila Rescuelympics ay nakatanggap ng cash prize at brand new motorescue, samantala ang mga hindi nagwagi ay nakatanggap naman ng consolation cash prize at rescue materials.

Dumalo sa programa si Mayor Christian Natividad kung saan siya ay nagpahayag ng pasasalamat sa lahat ng dumalo at aktibong nakiisa sa 4th Agila Rescuelympics kasama sina Vice Mayor Miguel Alberto Bautista, Konsehal Ayie Ople, Troi Aldaba at City Administrator Joel Eugenio.

DISCLAIMER: No one was harmed in the mentioned activity; everyone in the picture is a participant/trained professional and is part of the event.