Pinangunahan ni City Administrator Joel Eugenio, kasama ang City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO), ang 3rd Quarter Full City Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Council Meeting ngayong ika-21 ng Agosto 2024. Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang talakayin ang mga nagdaang kalamidad, MT Terra Nova oil spill, ang paggamit ng LDRRM funds, at ang mga nakatakdang DRRM Capacity Development Activities.

Isa sa mga pangunahing paksa ng pagpupulong ay ang post-disaster report na inilahad ni LDRRM IV Kathrina Pia Pedro kaugnay ng nagdaang Southwest Monsoon at Super Typhoon Carina. Bagama’t hindi direktang tinamaan ng bagyo ang Malolos, nagdulot ng malawakang pagbaha ang habagat, kung saan 49 na barangay ang naapektuhan at 806 na pamilya ang kinailangang lumikas. Ang pinsalang naitala sa sektor ng agrikultura ay umabot sa humigit-kumulang P91 milyon, samantalang tinatayang nasa P57 milyon ang pinsala sa imprastruktura.

Tinalakay rin ni Pedro ang pagpapahusay ng mga Barangay DRRM Plans, kung saan isasagawa ang isang community planning activity sa Setyembre. Layunin nito na itaas ang antas ng kahandaan ng bawat barangay sa oras ng sakuna. Natukoy rin na may ilang barangay na nangangailangan ng pagwawasto sa kanilang mga DRRM plans, kaya’t nakatakdang maglunsad ang Pamahalaang Lungsod, kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG), ng isang workshop upang tulungan ang mga barangay na mapabuti ang kanilang mga plano at masiguro ang kanilang pagiging epektibo sa panahon ng sakuna.

Nagbigay naman ng ulat si CENRO OIC, Amiel Cruz hinggil sa usaping MT Terra Nova oil spill sa Limay, Bataan. Kaniyang kinumpirma na hindi nakaabot sa baybayin ng Malolos ang naturang oil spill at tiniyak na ligtas kainin ang mga lamang-dagat mula sa lungsod. Dagdag pa niya, nakahanda ang lungsod sa agarang pagtugon upang maagapan ang anumang masamang epekto kung sakaling umabot sa baybayin ng Malolos ang oil spill.

Sa pagpupulong, tinalakay ni Michelle Pata (MAA I) ang mga ulat ukol sa lagay ng panahon at ang inaasahang epekto ng La Niña mula Oktubre 2024 hanggang unang bahagi ng 2025. Ayon sa mga ulat, posibleng magdulot ito ng mas maraming pag-ulan at pagbaha sa mga susunod na buwan. Dahil dito, aktibong naghahanda na ang pamahalaang lungsod upang mapaghandaan ang mga posibleng epekto nito sa mga residente at sa sektor ng agrikultura.

Tinalakay din ang kakulangan ng tubig sa ilang barangay kung saan ayon sa Prime Water, ang problema sa tubig ay dulot ng sira sa pipeline at mga kinakailangang adjustments upang maayos ang supply. Mula sa orihinal na pressure na 90 PSI, bumaba ito sa 30 PSI, na nagdulot ng mas mababang water output at mas limitadong supply. Nagkaroon din ng aberya sa isang vent, na nagresulta sa pagpasok ng buhangin sa pipeline, kaya’t kinailangan itong linisin at ayusin. Bagama’t may mga hakbang na ginagawa upang maresolba ang problema, patuloy pa ring hamon ang pagbabalik sa normal na supply ng tubig.