Sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region III at ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pangunguna ng City Social Welfare and Development Office na pinamumunuan ni Lolita SP. Santos, RSW, matagumpay na naipamahagi ang 1st semester ng local social pension sa 500 indigent persons with disabilities (PWDs) mula sa 51 barangay ng lungsod. Ang bawat isa sa kanila ay nakatanggap ng P3,000 kung saan ito ang kabuoan mula Enero hanggang Hunyo.

Ang layunin ng programang ito ay matugunan ang mga pangangailangan ng mga kwalipikadong PWDs na nasa Level I, partikular ang mga walang kakayahang maghanapbuhay at walang kamag-anak na sumusuporta sa kanilang pangunahing pangangailangan.

Nagpaabot ng pasasalamat ang pinuno ng tanggapan kina Abgdo. Christian D. Natividad, Vice Mayor Miguel Alberto T. Bautista, at sa mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod sa pagpapatupad ng programa. Nagbigay din siya ng pag-unawa sa mga hindi napabilang, dahil sa limitadong budget. Gayunpaman, umaasa siyang kapag nadagdagan ang pondo, madadagdagan din ang bilang ng benepisyaryo.

Nakiisa sa pamamahagi si Henry Bonzon, PDAO Barangay President, bilang suporta sa nasabing programa.