Opisyal nang binuksan ngayong ika-13 ng Enero ang Fiesta Republica 2025 na may temang Kalinangang Malolenyo: Punla Tungo sa Pagyabong ng Turismong Pilipino na kung saan binigyang-diin ni Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad ang kahalagahan ng pagiging malayang Pilipino, muling pagbibigay-pansin sa kasaysayan ng Lungsod ng Malolos at ng Unang Republika ng Pilipinas.

Ayon sa kaniya, nagsimula ang paggunita noong 2011 nang mapansin na bagamat napakayaman ng Malolos sa kasaysayan, kulang pa ang pagpapalaganap ng diwa ng Unang Republika sa isipan at damdamin ng bawat Pilipino.

“Hindi tayo matatawag na Unang Republika kung walang Enero 23, 1899. Noon, ang tawag sa atin ay lahing Pilipino o lahing Asyano lamang. Dahil sa Saligang Batas ng Malolos, tinawag tayong 𝑐𝑖𝑡𝑖𝑧𝑒𝑛𝑠 𝑜𝑓 𝑡ℎ𝑒 𝑓𝑖𝑟𝑠𝑡 𝑅𝑒𝑝𝑢𝑏𝑙𝑖𝑐 𝑜𝑓 𝑡ℎ𝑒 𝑃ℎ𝑖𝑙𝑖𝑝𝑝𝑖𝑛𝑒𝑠,” aniya.

Sa pagtatapos, kaniyang ipinahayag na “Ang araw na ito ay hindi lamang para sa mga taga-Malolos at mga Bulakenyo, kundi para sa bawat isang malayang Pilipino” at “Mabuhay ang Unang Republika! Mabuhay ang Lungsod ng Malolos!”

Samatala, tumayo bilang Hermano Mayor ng Fiesta ng Republica 2025 si Pangalawang Punong Lungsod Miguel Alberto T. Bautista kung saan kaniyang ibinahagi ang mahalagang pinagmulan ng pagiging Republika ng Pilipinas.

Aniya, 126 taon na ang nakalipas mula nang naghangad ang mga Pilipino na makamit ang kalayaan. Nagkaroon ng pagkakaisa ang bawat Maloleño upang itaguyod ang mithiin ng kasarinlan.

Tinukoy niya ang Malolos Constitution, partikular ang Artikulo 1, na nagsasaad, “𝑇ℎ𝑒 𝑝𝑜𝑙𝑖𝑡𝑖𝑐𝑎𝑙 𝑎𝑠𝑠𝑜𝑐𝑖𝑎𝑡𝑖𝑜𝑛 𝑜𝑓 𝑎𝑙𝑙 𝐹𝑖𝑙𝑖𝑝𝑖𝑛𝑜𝑠 𝑐𝑜𝑛𝑠𝑡𝑖𝑡𝑢𝑡𝑒𝑠 𝑎 𝑛𝑎𝑡𝑖𝑜𝑛, 𝑤ℎ𝑜𝑠𝑒 𝑠𝑡𝑎𝑡𝑒 𝑠ℎ𝑎𝑙𝑙 𝑏𝑒 𝑘𝑛𝑜𝑤𝑛 𝑎𝑠 𝑡ℎ𝑒 𝑃ℎ𝑖𝑙𝑖𝑝𝑝𝑖𝑛𝑒 𝑅𝑒𝑝𝑢𝑏𝑙𝑖𝑐.” Ito ang nagdeklara sa Pilipinas bilang isang maayos at malayang gobyerno.

Hinikayat ni Bautista ang lahat na magsama-sama sa pangarap na maging malaya sa iba’t ibang hamon ng buhay. “𝐽𝑢𝑠𝑡 𝑟𝑒𝑓𝑙𝑒𝑐𝑡 𝑜𝑛 𝑤ℎ𝑎𝑡 𝑡ℎ𝑒 𝑤𝑜𝑟𝑙𝑑 ℎ𝑎𝑠 𝑡𝑜𝑑𝑎𝑦 𝑎𝑛𝑑 𝑤ℎ𝑎𝑡 𝑀𝑎𝑙𝑜𝑙𝑜𝑠 ℎ𝑎𝑠 𝑡𝑜𝑑𝑎𝑦, 𝑎𝑛𝑑 𝑙𝑒𝑡 𝑢𝑠 𝑠𝑒𝑒 ℎ𝑜𝑤 𝑡ℎ𝑒𝑦 𝑐𝑎𝑛 𝑤𝑜𝑟𝑘 𝑡𝑜𝑔𝑒𝑡ℎ𝑒𝑟 𝑓𝑜𝑟 𝑡ℎ𝑒 𝑏𝑒𝑠𝑡 𝑣𝑒𝑟𝑠𝑖𝑜𝑛 𝑜𝑓 𝑡ℎ𝑒 𝐶𝑖𝑡𝑦 𝑜𝑓 𝑀𝑎𝑙𝑜𝑙𝑜𝑠.” wika niya.

Bilang bahagi ng selebrasyon, pinangunahan ni Rev. Msgr. Pablo S. Legaspi Jr., P.C. ang banal na misa na siyang nagsilbing inspirasyong mensahe para sa paggunita ng mahalagang selebrasyong ito.

Sinundan ito ng makabayang pagtatanghal ng Barasoain Camerata Philippines Choral kung saan kanilang inawit ang 𝑲𝒐𝒏𝒈𝒓𝒆𝒔𝒐 𝒏𝒈 𝑴𝒂𝒍𝒐𝒍𝒐𝒔 at 𝑽𝒊𝒗𝒂 𝑹𝒆𝒑𝒖𝒃𝒍𝒊𝒄𝒂 at makasaysayang pagpasok ng watawat ng Unang Republika ng Pilipinas na pinangunahan ni James Dimagiba, Kapitan ng Barangay Catmon, na siyang gumanap sa katauhan ni dating pangulo, Emilio Aguinaldo y Famy.

Dumalo sa naturang programa ang bumubuo ng Sangguniang Panlungsod, mga ulo ng bawat tanggapan, mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos at mga Pinuno ng Barangay sa Lungsod.

Para sa mga nais malaman ang iskedyul ng mga kaganapan sa Fiesta ng Republica 2025, maaaring bisitahin ang opisyal na facebook link:

https://www.facebook.com/share/p/1M8k4F5aT9