
Matagumpay na idinaos ng Rural Health Unit II (RHU II), sa pangunguna ni Dr. Chesa Sta Maria, Rural Health Physician, kasama sina Jonathan Agustin, Nurse II, at Daisy De Guzman, Sanitation Inspector III, ang Tuberculosis at Dengue Awareness Campaign sa Barangay Catmon.
Ito ay ikalawang batch ng kampanyang pangkalusugan ng Malolos City Health Office, na pinasimulan sa Brgy. Bulihan noong nakaraang linggo.
82 na residente ng Barangay ang naging benepisyaryo ng libreng X-ray sa pamamagitan ng Malolos Mobile Clinic.
Kabilang din sa mga ipinagkaloob na serbisyo ang libreng check-up, at risk assessments sa tulong ng mga volunteers.
Samantala, ibinahagi naman ni Agustin sa talakayan na ang tuberculosis ay bacteria na napapasa mula sa hangin. Dagdag pa niya ang mga sintomas nito, gaya ng pagkakaroon ng ubo, lagnat tuwing hapon, pagbaba ng timbang, labis na pagpapawis, gayundin ang pagsakit ng dibidib at likod.
Ipinaliwanag din niya na hindi ito nakukuha sa pag pupuyat, pagod, pagbubuhat ng mga mabibigat at pagkakatuyo ng pawis sa likod.
Kaugnay naman ng mga impormasyon hinggil sa Dengue, tinalakay ni Daisy De Guzman ang kahalagahan ng paglilinis, pag-iingat sa sarili, pagpapakonsulta sa doctor, at ang
sustain hydration bilang mabisang paraan sa pagsugpo sa dengue, lalo na ngayong tag-ulan.
Nakiisa rin sa kampanya si Punong barangay James Dimagiba ng Catmon, na nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa patuloy na pagsisikap ng City Health Office na mapabuti ang kalusugan at kagalingan ng komunidad.