Umarangkada nitong Biyernes ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga batang may edad 5 hanggang 11 katuwang ang City Health Office sa pangunguna ni Dr. June Baquiran OIC -City Health Office kasama sina Nurse Anna Lee Perez – Team Leader, Resbakuna, CHO-Dental Division sa pamumuno ni Dr. Dondon Bautista at ng Robinsons Place Malolos.

Personal ding binisita ng Punong Lungsod Bebong Gatchalian ang paglulunsad ng pagbabakuna para sa mga bata.

Sa pagbabakuna ng mga bata, magkakaroon muna ng counseling kung saan ipapaliwanag sa bata ang bakuna, mga benepisyo nito at mga posibleng side effect.

Matapos ang counseling ay kukuhanin ang vital signs ng bata at ia-assess ng medical professional kung dapat bang tumanggap ng bakuna. Kapag may go-signal na ay saka dederetso ang bata sa mismong bakunahan

Para sa mga batang 5 hanggang 6, basta hindi ito hayagang humihindi sa pagbabakuna, maaari itong tumanggap ng COVID-19 vaccine.

Tinatayang nasa 180 na mga bata ang nabakunahan.

Upang maging kahali-halina at angkop sa mga bata ang vaccination site, ito ay dinesenyuhan ng makukulay na mga lobo at paglalagay ng iba’t ibang mga cartoon characters.

Kasabay din ng pagbabakuna ang pamamahagi ng fluoropaste, tooth brush at goody bags sa mga bata bilang pagdiriwang ng Oral Health Month ngayong buwan.

Nakipagkaisa rin sa bakunahan para sa mga bata ang Rotary Club of Malolos Congreso, mga Barangay Health Workers at mga volunteers.

Hinihikayat ng Pamahalaang Lungsod ang mga magulang na pabakuhanan ang kanilang mga anak para sa kanilang proteksyon laban sa COVID-19. Sa mga magulang na nagnanais pong ipalista ang kanilang mga anak, MAKIPAG-UGNAYAN lang po sa RURAL HEALTH UNIT na nakasasakop sa inyong barangay.