Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Fiesta ng Republica 2024, inilunsad ang kompetisyon na Desposorio at mga Sayaw Bukid kung saan ito ay nilahukan ng pitong (7) grupo na binubuo ng anim hanggang walong ( 6 – 8 ) mananayaw mula sa iba’t-ibang barangay sa Lungsod ng Malolos.

Layunin ng kompetisyon na itampok ang tradisyonal na sayaw mula sa Bulacan na ”Desposorio”, upang maipaalam ang kahalagahan nito lalo na sa mga kabataan ng Lungsod ng Malolos.

Ang desposorio ay ang pinakahuling bahagi ng pamamanhikan para sa mga ikakasal sa mga bayan ng Malolos, Paombong at Hagonoy, Bulacan. Isa rin itong uri ng ritwal ng pagkakasundo sa pagitan ng mga pamilya na kinabibilangan rin ng mga tagabaryo.

Ipinamalas ng Sitio Malanggam ang tradisyunal na Desposorio at sayaw bukid na naipamalas ng kanilang kaaya-ayang kilos at indayog na sumasalamin sa isang pamamanhikan sa saliw ng dalawang musikero gamit ang gitara.

Nakamit naman ng Barangay Dakila ang ikalawang pwesto, habang Mananayaw ng Bulihan para sa ikatlong pwesto.