
Sa paggunita ng Fiesta ng Republica 2025, muling naging tampok ang Dulansangan, isang street dance-drama competition na naglalayong ipakita ang mahahalagang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas patungo sa kalayaan. Hangad nitong muling magbigay-buhay sa diwa ng kabayanihan at sakripisyo ng mga Pilipino sa gitna ng pananakop at mga hamon upang makamit ang kalayaan.

Sa mga nakaraang taon, naging sentro ng Dulansangan ang pagpaparangal sa mga pambansang bayani tulad ni Emilio Aguinaldo at ang pagsilang ng Unang Republika ng Pilipinas. Ngayong taon, ang tema ay tumutok sa panahon ng pananakop ng mga Hapones, isang yugto ng kasaysayan kung saan nasubok ang katatagan at pagkakaisa ng mga Pilipino.
Sinimulan ang makulay at makasaysayang street dance sa harap ng Bulacan State University Activity Center at nagtapos sa bagong Amphitheater ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos.

Sinundan ito ng engrandeng showdown ng mga kalahok, na nagpakita ng mga eksenang naglalarawan ng mga kwento ng tapang, sakripisyo, at paglaban ng mga Pilipino.
Sampung paaralan ang nakiisa at nagpakitang-gilas sa naturang kompetisyon, kung saan kanilang itinanghal ang mahahalagang tagpo mula sa pananakop ng mga Hapon.
Ang Bulihan National High School-District 4 ay nagpakita ng tagpo tungkol sa “The Fall of Corregidor.” Ang City of Malolos Integrated School – Catmon-District 3 naman ay itinampok ang “The Fall of Bataan”. Sa kabilang banda, ipinalabas ng Marcelo H. Del Pilar National High School-District 2, ang makasaysayang “Bataan Death March.” Ang City of Malolos High School – Canalate-District 10 ay nagbigay-buhay sa “Japanese Invasion of Bulacan o Bahay na Pula.”

Nagpakita naman ang Congressman Teodolo C. Natividad High School -District 8 ng pagsasadula ng mga kaganapan sa Leyte 1944 at ang Pres. Corazon C. Aquino Memorial National High School- District 1 ng dula tungkol sa “Execution of Josefa Llanes Escoda”. Ang City of Malolos Integrated School – Atlag- District 7 ay itinanghal ang makasaysayang “Lingayen Gulf Landing,” samantalang ang City of Malolos Integrated School – Sto. Rosario- District 6 ay nagpakita ng “The Liberation of Manila.” Idinagdag ng Malolos Marine Fishery School and Laboratory-District 9 ang pagtatanghal tungkol sa Kiangan, Ifugao, at ang City of Malolos High School Santisima Trinidad- District 5 ay itinampok ang “Pagsuko ng mga Hapon/ Surrender of Japanese Government.”

Ang pagsasadula ay naging paraan upang muling sariwain ang kasaysayan, lalong-lalo na ang madilim ngunit makabayang panahon ng pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Isa itong paalala sa lahat ng henerasyon ng kahalagahan ng pagkakaisa at pag-ibig sa bayan para sa kapakanan ng susunod na salinlahi.
Nagsilbing mga hurado sina Prof. Jaime S. Corpuz, Stephen John Pamorada, Amy N. Francisco, Dr. Lolito Pontillas, Ronela G. Razul, Dr. Louies L. Lumanug, Rene Napenas, Gino Gonzales, Carmencita J. Bernardo at si RD Richard Daenos.
Nakiisa naman sa paggawad ng parangal sina Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad, Pangalawang Punong Lungsod Miguel Alberto T. Bautista, Kon. John Vincent Vitug III at Kon. Victorino Aldaba III.
Para sa full video ng showdown competition, maaaring abangan ang post sa facebook page link na ito; https://www.facebook.com/share/17kor5FWTY/?mibextid=wwXIfr