
Sa patuloy na pagharap ng ating bansa sa problema ng plastik na basura, isang mahalagang hakbang ang isinagawa sa pamamagitan ng kampanyang “Repurposing: Chairing the Future.” Layunin ng programang ito na gawing upuan ang mga plastik na basura na nakolekta mula sa iba’t ibang paaralan. Sa pangunguna ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), matagumpay na naidaos ang naturang proyekto bilang bahagi ng adbokasiya para sa kalikasan at edukasyon.

Ang kampanya ay hindi lamang tungkol sa pangangalaga ng kalikasan kundi pati na rin sa pagbibigay ng tulong sa mga mag-aaral. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng mga guro, estudyante, magulang, at iba pang miyembro ng komunidad, makakalikom ang iba’t ibang paaralan ng maraming plastik na basura. Sa halip na itapon sa tambakan o mapunta sa mga ilog at dagat, ang mga plastik na ito ay isinasailalim sa proseso ng recycling at repurposing upang gawing matibay at de-kalidad na upuan para sa mga silid-aralan.

Sa isinagawang programa, binigyang-diin ng mga opisyal mula sa CENRO at CDRRMO ang kahalagahan ng tamang pangangasiwa sa basura. Ayon sa kanila, malaki ang maitutulong ng waste segregation at recycling upang mabawasan ang polusyon at mapakinabangan pa ang mga gamit na karaniwang itinatapon.
“Hindi lamang ito tungkol sa pag-recycle ng plastik, kundi ito rin ay isang pagkakataon upang maturuan ang kabataan ng tamang disiplina sa pangangalaga ng kalikasan,” pahayag ni Amiel Cruz division head ng CENRO.
Dagdag pa niya, “Sa pamamagitan ng proyektong ito, hindi lang natin pinapaganda ang ating kapaligiran kundi nagbibigay rin tayo ng mas maayos na kagamitan para sa ating mga estudyante.”
Katuwang sa inisyatibong ito ang Eco Protect Management Corp. kung saan ginagawa ang mga nasabing upuan. Ang mga upuang nagawa mula sa recycled plastic ay ipamamahagi sa iba’t ibang pampublikong paaralan, lalo na sa mga may kakulangan sa pasilidad. Layunin nitong:
Mabawasan ang plastik na basura sa komunidad at maiwasan ang polusyon.
Magturo ng responsableng waste management sa mga kabataan at mamamayan.
Makatulong sa sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng upuan sa mga paaralan.
Ang “Repurposing: Chairing the Future” ay isang inspirasyon para sa iba pang mga lungsod at bayan na magsagawa rin ng katulad na kampanya. Sa patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan, paaralan, at buong komunidad, mas marami pang basura ang maaaring gawing kapaki-pakinabang na produkto.
Sa simpleng hakbang ng pagtatapon nang tama at pagre-recycle, nagagawa nating isang hakbang palapit sa isang mas malinis, mas luntian, at mas progresibong kinabukasan.
Dumalo sa pagtitipong ito Sina Alainne Tan, President/CEO Eco Protect Management Corp., Amiel Cruz, division head Ng CENRO, Katrina Pia Pedro, department head Ng CDRRMO, Rian Maclyn Dela Cruz, SK Federation President at taga panguna ng committee on environment ng sangguniang panlunsod, at Vice Mayor, Miguel Alberto T. Bautista