Hinarap ng Information Technology Division kasama ang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang hamon ng digital na mundo sa pamamagitan ng isang pagsasanay na naglalayong paunlarin ang kanilang kakayahan sa paggamit ng mga makabagong tool at sistema upang manatiling epektibo sa pagtugon sa mga pagbabagong teknolohikal.

Ginanap ngayong ika-25 ng Setyembre sa 4th Floor Auditorium, New City Hall ang unang araw ng 3-Day Training Workshop na nakatuon sa paggamit ng mga Microsoft Office software gaya ng MS Word, Excel at Powerpoint pati na rin ang Canva.

Sa pambungad na mensahe ni Engr. Eugene N. Cruz, En.P., City Planning and Development Coordinator, layunin ng pagsasanay na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga kawani ng pamahalaan. Ayon sa kanya, ang mga natutunan sa nasabing pagsasanay ay magiging kapaki-pakinabang sa kanilang trabaho at umaasa siyang maibabahagi ito ng mga dumalo sa kanilang mga kasamahan sa opisina.

Mahigit 55 kawani ang sumailalim sa unang araw ng pagsasanay, na pinamunuan ni Benedict C. De Jesus, isang lisensyadong guro at kasalukuyang faculty ng College of Arts and Letters sa Bulacan State University.Itinampok niya ang kanyang kadalubhasaan sa mga digital content-generating tools at data analysis tools. Nagnanais siyang baguhin ang paraan ng pagsasanay at edukasyon gamit ang makabagong teknolohiya.

Layunin ng tagapagsanay na matutunan ng mga kawani ang tamang paggamit ng MS Word sa unang araw at iba pang software sa mga susunod na araw.

Kaniyang sinuri ang antas ng kanilang proficiency at ipinaliwanag ang mga pangunahing function ng MS Word, kabilang ang pagbibigay-diin sa mga salita, keyboard shortcuts, paragraph formatting para sa formal documents o letters, at paggamit ng headers at footers.

Sinimulan niya ang pagtalakay sa Microsoft Word Interface, kasama na rito ang Ribbon at Home Tab, Insert, Layout , References, Review, View Tab, Quick Access Tool Bar, Navigation Pane at Mini Tool Bar.

Sinundan naman niya ito ng pagtuturo at pagpapaliwanag kung paano gumawa ng dokumento hanggang sa pagsesave nito sa paraan ng file formats, version control, cloud-based saving , autosave at iba pa.

Ang Training Workshop ay magpapatuloy hanggang ika-27 ng Setyembre 2024.