Bilang bahagi ng programa ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pamamagitan ng City Agriculture Office, ginanap ngayong araw ang distribusyon ng Fertilizer Disbursement Voucher para sa mga Malolenyong magsasaka.
Pinangasiwaan ni Supervising Agriculturist Rebecca S. Hernandez ang gawain. Ayon sa kaniyang pahayag, dalawang araw gaganapin ang pamamahagi na ito mula ngayong ika-16 ng Agosto hanggang ika-17 ng Agosto, kung saan humigi’t-kumulang 1,000 magsasaka ang inaasahang darating at makakatanggap ng mga pataba sa lupa.
Kung matatandaan, nauna ng nakapagbahagi ng mga Certified seeds noong ika-11 ng Agosto, kung saan 1,025 magsasaka ang naging benepisyaryo nito.
Ayon pa kay Gng. Hernandez, kabilang sa mga barangay na dumalo ngayong araw ay ang Brgy. Santor, Brgy. Dakila, Brgy. Sumapang Bata, Brgy. Ligas, at Brgy. Barihan. Inaasahan naman na dadalo rin kinabukasan ang Brgy. San Pablo, Brgy. Tikay, Brgy. Niogan, Brgy. Taal, Brgy. Sta. Isabel, Brgy. Mabolo, Brgy. Look 1st and 2nd, Brgy. Santissima, at Brgy. Sumapa.
Ang pamamahagi ng mga fertilizer na ito ay bahagi ng Rice Resiliency Enhancement Program sa ilalim ng Departamento of Agriculture, kung saan ang bilang ng hektaryang pagmamay-ari ng mga magsasaka ay tutumbasan ng bilang ng mga pataba na ayon sa pangangailangan nila. Ito ay upang matulungan ang mga magsasaka na magkaroon ng saganang pagsustansya sa kanilang mga ani.
Ang programa ay pinamulan muna sa pag proseso ng mga clearance o dokyumentong kailangan upang i-verify ang katunayan ng mga impormasyon. At saka sila mabibigyan ng voucher na nagkakahalagang halos 4,400 pesos, kung saan ito ay kanilang gagamitin bilang pambayad sa mga fertilizer merchant na siya namang mag-aabot sa kanila ng mga pataba. Nabanggit din ni Gng. Hernandez na ang mga pataba na ipinamamahagi ay Urea o Nitrogen Fertilizer.