Pormal nang sinimulan ngayong ika-15 ng Abril, 2024 ang Human Papillomavirus Vaccination Campaign sa mga batang kababaihan na may edad 9-14, ito ay isang paraan sa pag-iwas sa pagkakaroon ng cervical cancer.

Sa unang bahagi ng programa ay nagkaroon ng oryentasyon na dinaluhan ng mga miyembro ng BHW sa Lungsod ng Malolos, patungkol sa tamang pag-iwas sa HPV.

Tinalakay ng pangunahing tagapagsalita na si Erwin De Mesa, M.D., FPOGS, FPIDSOG, ang mga dapat alamin kaugnay ng nasabing virus. Aniya, ito ay isang nakakahawang impeksyon sa babae at lalaki na makukuha sa pamamagitan pakikipagtalik o sexual contact.

Ilan rin sa mga kaniyang ipinaliwanag ang mga taong maaaring magkaroon ng impeksyon, mga tests na maaaring kuhanin, mga hakbang na kailangan isagawa upang maiwasan ang sakit, kahalagahan ng pagbabakuna at importansya ng pagpapakonsulta sa mga eksperto.

Ayon naman kay Dr. Eric Villano, Office in Charge ng City Health Office, ang paglulunsad ng HPV Vaccination program sa Lungsod ng Malolos ay mahalagang hakbang upang protektahan ang bawat isa laban sa mapanganib na sakit. Prayoridad aniya ng kanilang tanggapan na mabakunahan ang mga batang edad 9-14 upang maaga nilang maiwasan ang pagkakaroon ng ganitong uri ng virus. “Sa pagkakaisa at pagtutulungan magtatagumpay tayo sa paglaban sa HPV” ani Villano. Isa din itong pagkakataon upang pasalamatan ang walang sawang suporta ni Abgdo. Christian D. Natividad sa pagpapaunlad ng mga programang pangkalusugan sa Lungsod ng Malolos.

Naging tampok din ang pagpapatotoo ni Annabelle Cabalquinto, isang cervical cancer survivor, at kasalukuyang Barangay Health Worker sa Sumapang Matanda, kung saan ay ibinahagi niya ang kanyang mga karanasan sa pagkakaroon ng kanser, at ang mga hakbang na ginawa niya upang malagpasan ito. Aniya, hindi biro ang pagkakaroon ng ganitong klase ng karamdaman.

Kabilang sa mga nagbigay ng Pledge of Commitment sina Dr. Emily V. Paulino, MPH-DMO V ng DOH Provincial Extension Office, Dra. Irene Mendoza Jimenez, Medical Officer III ng Department of Education, Dr. Edwin P. Tecson, PHO 1 ng PDOH-Bulacan, Fernando E. Durupa, Chief of Staff ng Office of the City Mayor, Ricardo Victoria, CMIS-Sto. Rosario PTA Federation Officer, Jinky Joy Del Rosario RSW SWO IV, Rotary Club of Malolos Congreso at si Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad.

Sa huling bahagi ng programa, isinagawa ang Ceremonial Vaccination na pinangasiwaan ng mga miyembro ng RHU I-VII, na sinundan ng Motorcade na iikot sa Lungsod ng Malolos.

Para sa mga nais magpa bakuna, at iba pang impormasyon kaugnay ng HPV, maaaring makipag ugnayan sa pinakamalapit na Rural Health Units at City Health Office ng Lungsod