Ginanap ang ika-163 taong anibersaryo ng kapanganakan ni Dr. Jose Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda sa Casa Real Shrine, sa pangunguna nina Pangunahing Pandangal Pangalawang Punong Lalawigan Alexis C. Castro, Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad, Provincial History, Arts and Culture and Tourism Office Head Dr. Eliseo Dela Cruz, Kurator ng Museo ng Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas, Gil Angelo Manalili, kasama ang Malolos Women Foundation, National Historical Commission of the Philippines, mga kasapi ng Knights of Rizal, at Malolos Masonic Lodge No. 46.

Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng pagtaas sa watawat ng Pilipinas habang inaawit ang Pambansang awit na Lupang Hinirang na sinundan ng marangal na pag-aalay nina Pangunahing Pandangal Pangalawang Punong Lalawigan Alexis C. Castro at Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad ng mga bulaklak sa busto ng ating itinuturing na pambansang bayani, Gat. Jose Rizal.

Ayon sa naging mensahe ni Punong Lungsod, Abdgo. Christian D. Natividad, kaniyang bignigyang diin na “ang araw na ito ay hindi lamang araw ng paggunita ng kaarawan ng ating dakilang bayani na isang patriotiko, isang doktor,… ngunit ito ay araw din ng paggunita sa sangkapilipinuhan dahil dito nagsimula ang pagguhit ng kamalayan bilang isang Pilipinong tunay.”

Samantala sa naging pahayag naman ni Pangalawang Punong Lalawigan, Alexis Castro “Mananatiling buhay ang mga alaala ni Pepe sa ating mga puso dahil ang kanyang pagsilang ay isang mahalagang yugto sa ating bansa sapagkat ito ang nagbigay ng daan sa pagusbong mang rebolusyonaryong puso at damdamin nating mga pilipino”

Ang selebrasyong ito ay alinsunod sa pinagtibay na kautusang Panlungsod blg 87-2020 o ang “Rizal Ordinance” inaatasan at inuutos sa Lungsod ng Malolos ang pag alala sa buhay ng itunuturing nating pambansang bayani, Dr. Jose Rizal. Ang kautusan na ito ay mula sa akda ni Kon Enrico Capule.

Nakiisa at dumalo din sa paggunita sina Konsehal Noel R. Sacay, Konsehal Victorino “Troi” Aldaba III, Gng. Matilde D. Natividad, Masonic District RIII Bulacan East and West, Hiyas ng Bulacan Provincial Band, Pambansang Pulisya ng Malolos at Bulacan, Marcelo H. Del Pilar Chapter, Mga kawani ng dibisyon ng Sining Kultura Turismo at Sports sa Lungsod ng Malolos, Order of Demolay, Barasoain Assembly No. 25 international Order of the Rainbow for Girls, Bulacan York Rite Bodies, Bulacan Bodies and ASIA and Accepted Status Right, mga kasapi sa iba’t ibang departamento ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos at Lalawigan ng Bulacan.