default

Muling umarangkada, ngayong araw, ika-15 ng Hunyo, ang mga Vespa riders sa idanaos na Kasarinlan Ride 2.

Ang Kasarinlan Ride ay isang selebrasyon bilang pakikiisa ng mga Vespa motorcycle riders mula sa iba’t-ibang motorcycle clubs sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa lungsod ng Malolos.

Kung matatandaan, unang idinaos at ginawang taunang selebrasyon ang Kasarinlan Ride noong taong 2023. Layunin nitong maisulong ang pagpapahalaga sa kasaysayang Pilipino, maging ang diwa ng kalayaan na siyang ipinaglaban ng ating mga bayani.

Ang gawain ay inorganisa ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pangunguna ni Mayor Christian D. Natividad, katuwang ang Malolos City Sports and Development Office, Motoscoot Vespa Aprilia, Philippine Motorcycle Tourism, Tourism Promotions Board Philippines, at Vespa Club Bulacan.

“Kami pong mga taga Malolos, ang lahat ng aming gampanin ay hindi lang para sa Malolos, Bulacan bagkus ang lahat ng kaganapan na ‘to [ay] para sa ‘yo, para sa akin, para sa bawat isang malayang Pilipino. ‘Yan po ang kahalagahan ng kaganapan na ito. Kahit sino man tayo, ano mang antas ng narating natin, ang pamana sa atin ay ligasiya ng ating mga ninuno,” pahayag ni Mayor Natividad.

Suot ang tradisyonal na kasuotang Barong Tagalog, at Filipiniana ay sabay-sabay na tumungo ang mga riders sa kanilang historic ride kung saan ay nilibot nila ang mga makasaysayang lugar sa Malolos.

Nagsimula ang programa sa Liwasang Republika, patungo sa Barasoain Church, Casa Real Shrine, Old Malolos City Hall, Malolos Cathedral, Secretaria de Interior, Plaza de la Gobierno Militar, Casa Tribunal, Eskwelahan ng Kadalagahan ng Malolos, Secretaria de Fomento, Alberto Uitangcoy House, Dr. Luis Santos House, at pabalik sa Bagong City Hall.

Dinaluhan ng Vespa riders mula sa iba’t ibang motorcycle clubs ang Kasarinlan Ride 2. Kabilang dito ang Motoscoot Vespa Aprilia Riders, Vespa Buds, Vespa Club of the Philippines, Vespa Smallframe Pilipinas, Queen of Vespa, Vespa Club of Quezon City, Vespa Club of Paranaque, Vespa Club of Valenzuela, Vespa Gana, Vespa Pilipinas, Vespa Pederasyon Pilipinas, at Vespa Club Bulacan. Nagpamalas rin ng mahusay na folk dance performance ang mga kabataan ng Philippine Dance Cultural Club sa pagbubukas ng selebrasyon. Dumalo rin ang dating mayor ng Bustos na si Arnel Mendoza na sumama rin sa Kasarinlan Ride.

Sa pamamagitan ng Kasarinlan Ride, naipapa-alala ang responsibilidad natin bilang Pilipino na gunitain ang isa sa pinaka mahalagang araw sa kasaysayan, pati ang kabayanihan at serbisyong inilaan ng ating mga ninuno upang makamit ang kalayaang tinatamasa natin. Layunin din ng mga riders na ipakita ang kanilang pagkakaisa sa pamamagitan ng pagtitipon-tipon at pagbibigay suporta sa programa.

Kinilala rin ni Mayor Natividad ang mga kawani ng Malolos City na sina City Administrator Joel S. Eugenio, City Mayor’s Office Sports Division Head Toti Villanueva, at City Information Office Head Regemrei Bernardo sa kanilang naging kontribusyon upang maging matagumpay ang gawain.