Matagumpay at makabuluhan ang naging pagkikita ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) – Bulacan Chapter noong ika-5 ng Oktubre sa 2F Mayor’s Office New City Hall sa Lungsod ng Malolos.
Mainit na tinanggap ng Lungsod ng Malolos sa pamumuno ni Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad ang mga Punong Bayan mula sa iba’t-ibang bahagi ng Lalawigan ng Bulacan.Pinangunahan ang pagpupulong ni LMP President Eduardo J. Villanueva Jr., LMP Secretary Jocell Aimee R. Vistan-Casaje, at ni Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad kasama ang National Irrigation Agency at Central Luzon Center for Health and Development.
Sa pagtitipon, tinalakay ang kasalukuyang kalagayan ng irigasyon sa Lalawigan ng Bulacan pati na rin ang mga proyektong may kaugnayan sa “canalization.” Isinapubliko rin ang mga hakbang para sa pagtatayo ng DRT Dam ng National Irrigation Administration.
Patuloy ding isinusulong ng Central Luzon Center for Health Development ang programang “Zero-Dose Children” (Hindi nababakunahanang mga Bata) sa Lalawigan ng Bulacan.
Sa pagtatapos ng pagtitipon, nagpasalamat si Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad sa lahat ng mga dumalo at nag-iwan ng mensahe na, “Layunin nating alamin at pahalagahan ang kaalaman para sa mas matagumpay na adhikain ng samahan patungkol sa pamahalaang panlungsod. Tayo’y sama-sama sa pag-akyat sa tugatog ng tagumpay.”