
BARANGAY DAKILA, MALOLOS CITY — Sumayaw ang kasaysayan, kultura, at pananampalataya sa puso ng Barangay Dakila nitong Mayo 3, 2025, sa kauna-unahang pagdaraos ng INDAKILA, isang patimpalak ng sayaw na iniaalay sa kanilang mahal na patron — ang Mahal na Sta. Cruz.
Ang salitang INDAKILA ay pinagsamang “indak” (sayaw) at “dakila” (marangal o dakila at pangalan din Ng barangay), na may layuning ipakita hindi lamang ang talento ng komunidad sa sining, kundi pati na rin ang kanilang matibay na pagkakaisa at mayamang pamana ng kultura.
“Ang INDAKILA ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng Sangguniang Kabataan at ng buong barangay. Layunin naming buhayin at ipagpatuloy ang ating mga tradisyon sa mas makabago at mas malikhaing paraan,” pahayag ni SK Chairperson Katrina Cabrera, isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng nasabing programa.
Apat ang lumahok na grupo, isa dito ay mula sa bayan ng Bulakan at ang Isa ay mula naman sa Barangay ng Panasahan ang dalawang natira ay mula naman mismo sa Barangay Dakila, bawat isa’y naghandog ng orihinal na sayaw na hango sa mga tradisyong Pilipino, na isinalin sa makukulay at masiglang galaw. Gumamit ang mga grupo ng magaganda at makulay na kasuotan, at malikhaing mga props upang lalong buhayin ang kanilang mga pagsasayaw sa harap ng maraming manonood.
Ngunit higit pa sa sining, ang INDAKILA ay naging matibay na patunay ng bayanihan sa kanilang barangay . Namalas ang masiglang pagtutulungan ng mga kabataan at ng mga nakatatanda, at ang mga pamilya sa paghahanda ng pagkain at gamit para sa mga mananayaw at sa ikatatagumpay ng proyektong ito.
“Ayaw naming maging simpleng kumpetisyon lang ito,” ani pa din ni SK Katrina Cabrera. “Gusto naming iparamdam na ito’y sayaw ng pagkakaisa at pagbabalik-tanaw sa ating pinagmulan.”
Namangha ang mga hurado — binubuo ng mga eksperto sa sining ng sayaw at kultura — sa galing at lalim ng mga pagtatanghal.
Tinapos ang kompetisyin sa pamamagitan ng paggawad ng mga papremyo sa mga nagwagi at pagkilala sa mga pangunahing naging katuwang at walang pagod na pag tulong ng Sangguniang Barangay ng Dakila sa pangunguna ni Kapitan Vener dela Cruz. —ang INDAKILA ay simula na ng taunang tradisyong magpapatuloy.
May plano na ang pamunuan para sa INDAKILA 2026, at inaasahang magiging isang kinagigiliwang selebrasyon ito taon-taon.