
Idinaos nitong ika-29 ng Setyembre 2023 ang pagtatapos ng isang buong linggong pagdiriwang ng RepubLITka, Literacy Week Celebration ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos na ginanap sa Liwasang Republika. Dinaluhan ang pagwawakas na programa ng ilang mga kawani mula sa Departamento ng Edukasyon – Dibisyon ng Malolos at ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos.
Sa naging mensahe ni Pangalawang Punong Lungsod Miguel Alberto Tengco Bautista, kaniyang binigyan pansin ang kahalagahan ng pagpapaigting ng mga programa sa literasiya.
“Lahat ng klase nang kaalaman, sana ay maipaangat pa natin dito sa ating Lungsod ng Malolos. Dahil dito sa Malolos, minamahal natin ang kaalaman para sa ating kinabukasan at ng ating mga kabataan”, ani Bautista.
Matapos ng kanyang panimulang mensahe, nagtanghal naman ng isang awitin si Jazmin Zalamea, ang unang artist of the month winner ng Roving Galing. Nagpamalas din ng galing ang kampyon sa Dulansangan 2023 mula sa Malolos Marine Fishery School and Laboratory ng kanilang makulay, masigla at makabuluhang sayaw na tumatalakay sa kasaysayan ng lungsod ng Malolos.
Bingyang pagkilala rin sa programa ang mga mag-aaral ng Bulacan State University -College of Arts and Letters na sina Shania Mari S. Geronimo, Monique C. Hernandez, Joriz Shelly T. Nace, Anne Nicole G. De Guzman, Katherine Clarisse S. Pangan, Maria Daren M. Patrolla, at Bernadette Clare T. Sumala, sa kanilang naging kontribusyon sa konseptwalisasyon ng RepubLITka, maging ang pagdidisenyo at paglikha ng logo at promotional materials nito bilang bahagi ng kanilang rekwayrments na pang-akademiko.
Sinundan ang programa ng ceremonial ribbon cutting ng ”Republikha Exhibit”, na pinasinayaan ni Executive Assistant IV Omar Magno, at Secretariat ng CMLLCC Mylene V. Ramos. Ipinakita sa exhibit ang iba’t-ibang likha na bunga ng mga isinagawang pagsasanay tulad ng mga kandila, peanut butter, at pagkuha ng litrato na nakapaloob sa selebrasyon. Kabilang din sa itinampok dito ang inilimbag na Disaster and Prevention book ng CDRMMO na Listo Malolenyo.
Sa pagtatapos ng isang linggong pagdiriwang ng RepubLITka, Literacy Celebration ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos, naging matibay na dapat nating linangin ang ating kaalaman na hindi lang nakakulong sa pagbasa at pagsusulat. Mahalaga rin na bigyang pansin ang iba’t-ibang kaalaman at kasanayan na mayroong magandang dulot sa ating pamumuhay.