Sumailalaim sa isang Validation Workshop and foresight activity nitong ika-5 ng Setyembre ang City of Malolos Information and Communications Technology Council, kasama ang iba’t-ibang mga pinuno ng tanggapan at dibisyon ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos.

Ang dalawang araw na gawain ay pinangasiwaan ng Development Academy of the Philippines katuwang ang Pamahalaang Lokal ng Malolos, sa pamamagitan ni City Administrator Joel S. Eugenio, Chairperson ng City of Malolos ICT Council.

Ito ay sumunod na hakbang matapos na magkaroon ng isang MOU signing kamakailan para sa paglulunsad ng programang LIPAD PH.Layunin ng workshop na alamin at unawain ang kasalukuyang estado ng lungsod, kabilang ang kakayanan at mga pangangailangan nito upang maging ganap na Smart City. Ang mga rekomendasyon na mabubuo sa workshop ay magiging basihan ng lungsod sa paglikha ng isang Roadmap o plano ng lungsod upang maisakatuparan ito.

Sa naging mensahe ni Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad, maganda aniya ang konsepto ng Smart City.

“Mahalaga na maging komprehensibo sa gagawing pamamaraan at pananaw, sapagkat hindi maaaring iwaglit ang kahalagahan ng pagpapanatili sa lungsod bilang isa sa mga Prime Agricultural na lugar sa Bulacan, habang tinatanggap ang mga pagbabagong dulot ng proyekto”, ani Natividad.

Photo Credits to Gary Parrenas/City Administrator’s Office