Sa pangangasiwa ng CSWDO Department Head, RSW— Lolita Santos, KPK, Konsehal Niño Bautista at Konsehal Therese Cheryl “Ayee” Ople, nagkaroon ng malawakang pagtalakay ukol sa wastong pagiging magulang at pagpapalawig sa tamang paglalaki ng anak.

Binigyang diin ng Resource Speaker, Panlalawigan Komisyon para sa Kababaihan ng Bulacan (PKKB) Chairperson, Eva Fajardo, ang kabuluhan ng pagkakaroon ng positibong relasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak.

“Kahit na walang eskwelahan para sa mga Magulang, may pagasa parin, nagsisikap ang lungsod upang solusyunan ang natatanging problema ukol sa wastong pagiging magulang; kailangan natin magkaroon ng positibong relasyon sa ating mga anak” ulat ni PKKB Chairperson, Fajardo.

Ayon kay Fajardo, mahalaga ang pagtatag ng komunikasyon sa mga anak at ang pagkakaroon ng tamang pangangasiwa ayon sa kanilang edad.

Aniya, sa edad na isa hanggang walo, importante ang magkaroon ng tamang pagtuturo ukol sa tamang gabay sa moralidad at pangunahing kasanayan sa buhay. Habang sa edad na siyam hanggang labing tatlo (13), mabubuo ang “age of modelling” o ang pag-angkop ng isang bata sa gawain ng magulang. Samantala, sa edad labing-tatlo (13) pataas, papasok ang papel ng magulang bilang tagapayo.

Bilang karagdagan, parte ng programa ang pagbibigay pagkilala kina Palmarina Tejuco bilang Natatanging Babaeng Makakalikasan 2023 at Melinda Valerio na Natatanging Babae 2023.

Dumalo sa nasabing seminar ang mga magulang mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod ng Malolos.