Idinaos nitong ika-10 ng Oktubre ang iisang makabuluhang pagtitipon na naglalayong talakayin ang kalagayan ng Republic Act 9520 o mas kilala bilang “Philippine Cooperative Code of 2008.” sa pangunguna ng tanggapan ng Malolos City Training and Cooperative Office (CTECO) at City of Malolos Cooperative Development Council sa 4F Auditorium ng bagong City Hall ng Malolos.

Ang pagpupulong na ito ay naganap upang suriin ang epekto ng RA 9520 sa mga kooperatiba sa Malolos at ang mga oportunidad at hamon na mayroon ito dala sa mga kasapi nito. Tinalakay ng tagapagsalita na si Regional Director – Region III Marieta P. Hwang ang mga isyu at solusyon upang mapanatili ang kalusugan at pag-unlad ng mga kooperatiba sa lungsod

“Mag-isip tayo ng mga paraan kung paano mapapagaan at mapapaunlad ang pamumuhay ng mga kasapi ng kooperatiba” ani Hwang

Ang RA 9520, na ipinagtibay noong 2008, ay naglalayong palakasin ang sektor ng kooperatiba sa bansa. Ipinahayag nito ang pagsusulong ng kooperatiba bilang isang makapangyarihang pwersa para sa ekonomiya at kaunlaran. Binigyan nito ng mas malawakang kalayaan at awtonomiya ang mga kooperatiba na makapamahala at magdesisyon ayon sa kanilang pangangailangan. Ito ay nagdulot ng positibong epekto sa sektor ng kooperatiba sa Malolos. Dumami ang bilang ng mga kooperatiba sa lungsod, mula sa mga maliliit na grupong nagkakaisa para sa iisang layunin hanggang sa mga malalaking samahan na naglilingkod sa iba’t-ibang sektor ng komunidad.

Nagsilbing pagkakataon ang Kapihan sa Kooperatiba Forum para sa mga kasapi ng kooperatiba sa Malolos na magbahagi ng kanilang mga karanasan, kaalaman, at mga suhestiyon ukol sa mga isyu na kanilang kinakaharap gaya ng pagpapatupad ng mga regulasyon, pag-aayos ng mga pondo, atbp. Binigyan nito ng boses ang mga miyembro at nilatagan ng mga solusyon ng tagapagsalita na si Gng. Hwang kasama ang mga kinatawan mula sa Cooperative Development Authority upang mas mapabuti ang kanilang mga samahan.

Ipinapakita ng Forum na ang mga kooperatiba ay buhay na bahagi ng ekonomiya at lipunan ng lungsod. Ipinapakita rin nito ang kanilang kakayahan na makapagbigay ng solusyon sa mga isyung may kinalaman sa RA 9520 at maging sa mas malalim na aspeto ng kooperatiba.

Sa pagpapatuloy ng kooperatiba sa Malolos sa kanilang misyon na magtagumpay at makapag-ambag, maaasahan natin na magkaroon ng mas malawakang pag-unlad at pag-usbong sa hinaharap. Ang mga kooperatiba ay nagbibigay-buhay sa adhikain ng RA 9520 na magbigay ng mas magandang buhay para sa mga Malolenyong kasapi ng kooperatiba.

Dumalo at nakiisa sa nasabing pag-uusap si CTECO OIC Engr. Reynaldo Garcia, CMCDC Chairperson Ma. Amalia E. Palapal at Chief of Cooperative Division Mellany D. Catanghal at mga kawani mula sa CTECO.