Nagpulong nitong ika-27 ng Marso ang Local Disaster Risk Reduction Management Council na pinangasiwaan nina City Administrator Joel S. Eugenio at nanunuparang pinuno ng CDRRMO- Kathrina Pia Pedro, kasama ang mga konseho sa iba’t ibang sektor, para sa malawakang presentasyon at pagpaplano para sa mga kagapanapan sa darating na buwan.

Sa panimula ng pagpupulong, tinalakay ang kalagayan ng klima lalo na ngayong nagsimula na ang tag-init na inaasahang magiging malala dahil sa paparating na El Niño.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), papalo sa 39.4 degress celsius ang init sa Bulacan para sa buwan ng Abril, samantalang 40 degrees para sa buwan ng Mayo.

nihayag naman ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nakahandang rumesponde ang kanilang tanggapan para sa mga ‘di inaasahang pag-usbong ng mga apoy dahil sa init.

Gayon din, tinalakay ang pangangasiwa ng “OPLAN SUMVAC” o Oplan Summer Vacation, isang paghahanda ng kapulisyan para sa darating na Semana Santa at iba pang espesyal na araw sa darating na buwan. Layunin ng Oplan SUMVAC na magkaroon ng agarang pagresponde sa trapiko, pangangailangan at kaligtasan ng lungsod.

Tiniyak din ng PNP ang ligtas at maayos na Semana Santa, gayon din ang City Health Office na mag-aatas ng maaring magbigay ng First Aid sa mga indibidwal na mangangailangan sa araw na iyon.

Kasama rin sa nasabing pagpupulong sina City Planning and Development Coordinator Engr. Eugene Cruz, GSO Head Engr. Reynaldo Garcia, PMaj Erickson Miranda, City Health Officer II- Dr. Minerva Santos at iba pang kinatawan at miyembro ng konseho.