
Malugod na ibinalita ni Punong Lungsod Gilbert T. Gatchalian ang pagkakanomina ng Lungsod ng Malolos para sa National Literacy Award sa isinagawang flag raising ceremony ngayong ika-23 ng Mayo, 2022.
Ang National Literacy Award (NLA) ay naglalayon na kilalanin ang mga pinakamahusay na kasanayan ng mga Local Government Units (LGU’s) at mga Non-Government Organization (NGO) na nagpamalas ng katangi-tanging dedikasyon at kontribusyon upang isulong ang literacy sa pamamagitan ng paglikha at pagpapatupad ng mga polisiya at programa. Kabilang rito ang mga programa at polisiya na nauukol sa pagpapataas ng antas ng pamumuhay ng mamamayan sa pamamagitan ng pagtugon sa kahirapan at kanilang mga pangangailangan, pagbibigay ng kabuhayan at pagsugpo sa kamangmangan sa pamamagitan ng accessible na pasilidad na pang-edukasyon.
Dumalo rin sa lingguhang pagtataas ng watawat si Vice Governor Elect Alex Castro. Nagpaabot siya ng pasasalamat sa tiwala na ipinagkaloob sa kaniya ng mamamayan. Aniya, pagsusumikapan niya na palagiang makapag-ikot sa mga lungsod at bayan sa Bulacan upang mailapit ang tanggapan ng Pangalawang Punong Lalawigan sa mamamayan at matugunan ang kanilang mga pangangailangan.