
Ginanap nitong ika-28 ng Setyembre ang pagtatapos ng mga kabataang Maloleño na nakiisa sa Sports Clinic 2023 sa Barangay Guinhawa Covered Court na inorganisa ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pangunguna nina Mayor Christian D. Natividad, Vice Mayor Miguel Alberto Bautista, City Sports and Development Office, katuwang ang Departamento ng Edukasyon – Dibisyon ng Malolos at Schools Sports Federation ng Lungsod.
Ang gawain ay bahagi ng ipinagdiriwang na RepubLITka, Literacy Festival ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos, sa adhikain nitong ipagbigay alam sa komyunidad na ang kaalaman ay hindi nakakulong sa mga gawain pang-akademya.
Sa pagsisimula ng programa, nagbigay ng kanilang mga mensahe sina Coach Rafael Dionisio, President, Malolos City School Sports Federation at Salvador Lozano, Education Program Supervisor bilang representante ni Dr. Leilani Cunanan, Schools Division Superintendent.
“Alam niyo po ba, pangarap natin na hindi lang badminton ang makapasok o makakuha ng medal sa palarong pambansa. Kaya nga po ako ay natutuwa na meron tayong ganito para hindi na lang po isang sports ang makasali, pero lahat na po kasi marami na tayong mga maisasali”. Ani ni Coach Rafael Dionisio.
“Ang pagsali sa mga sports clinic ay isa pang uri ng learning experience na may halaga rin dahil natututo ang mga bata ng tamang disiplina.
”Pinalalakas ng sports ang literasiya ng Malolos dahil isang uri rin ng literasiya ang pagkatuto ng sports. Gaya nga ng nais namin, dapat ang. malolos ay one child, one sports.” Ayon naman kay Sir Salvador Lozano.
Nagpaabot naman ng pasasalamat sa mga nakibahagi sa inorganisa nilang Sports Clinic 2023 si Toti Villanueva, City of Malolos Sports Division Head. Ayon sa kaniya, patuloy silang lilikha ng mga ganitong programa upang suportahan ang mga kabataang Maloleño sa larangan ng pampalakasan.
Ang ginanap na Sports Clinic ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos ay nilahokan ng 1,179 na kabataang atleta ng Malolos na nakibahagi sa iba’t ibang mga sports tulad ng Basketball, Volleyball, Badminton, Dance Sports, Aero Gymnastics, Wrestling, Futsal, at marami pang iba. Naging malaking bahagi naman ng Sports Clinic na ito ang 44 na guro at 110 na mga atletang estudyante bilang mga coach ng iba’t ibang sports.
Layon ng Sports Clinic na ito na matulungan ang mga kabataang Maloleño na magkaroon ng mga bagong kaalamang maaari nilang magamit bilang libangan o pampaligsahan. Lubos din ang pasasalamat ng mga magulang ng mga batang nagsipagtapos sa Sports Clinic dahil sa pagkakaroon ng mga programang tulad nito, lalo’t ang pag-usbong ng teknolohiya ay pinalalayo ang mga kabataan sa mga aktibidad pampalakasan.
Bukod sa mga nagpaabot ng mga mensahe, dumalo rin sa programa sina Dr. Nora Lising, Public Schools District Supervisor, mga kawani ng Departamento ng Edukasyon – Dibisyon ng Malolos, at mga kawani ng City Sports Development Office ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos.