Sa mensahe ni Punong Lungsod Gilbert T. Gatchalian, kaniyang ipinaliwanag na ang CDRRM Council Command Operation Center ay naglalayon na maging mabilis ang pagresponde ng pamahalaan sa panahon ng emergency, kalamidad at sakuna. Ang nasabing dalawang palapag na gusali ang magsisilbing sentro ng disaster operations. Naglalaman ito ng incident command system kung saan sentralisadong namo-monitor ang mga kaganapan sa mga barangay, pangunahing lansangan at mga pam-publikong lugar sa lungsod sa pamamagitan ng mga high definition CCTV cameras. Sa pamamgitan rin ng nasabing sistema, mas magiging mabilis ang pakikipag-ugnayan ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) sa mga barangay at sa iba pang ahensiya ng gobyerno kung sakaling may emergency, kalamidad at sakuna. Ito ay naglalayon na makapagbigay ng mabilisan at pinakamahusay na kalidad ng serbisyo sa mamamayan sa panahon ng pangangailangan.Sinamantala rin ni Mayor Gatchalian na magbigay pasasalamat at pagpapahalaga sa ating mga rescuers. Aniya, mapayapa at ligtas ang pamayanan dahil sa kanilang walang sawang pagpapagal na makapaglingkod sa mamamayan.

Ayon kay City Administrator Luisito Zuniga, naglaan ng halagang10 Milyong Piso sa pagpapagawa ng CDRRM Command Center, subalit gumugol lamang ang Pamahalaang Lungsod ng Php 7,395,212.09 kung kaya naman tayo ay nakapagsubi ng halagang Php 2,604,787.91 sa naturang proyekto. Sa pagbili naman ng equipment ay naglaan ang Pamahalaang Lungsod ng halagang Php 8 Milyong Piso at gumugol lamang ng Php 7,980.000.00 kung kaya naman nakapagsubi ng halagang P20,000.00.

Pinuri ni Roberto Manalo – Chief, Administration Financial Management Section, Office of Civil Defense (OCD Region 3) ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa inisyatibo nitong mabilis na makatugon sa pangangailangan kung sakaling magkaroon ng kalamidad at sakuna. Ayon kay Manalo, napakahalaga ng operation center. Sa pamamagitan ng maayos na command operation center, mas lumalakas ang kakayanan ng mga responders, mas mabilis bumuo ng kongkretong mga plano, mas nagiging mabilis ang pagresponde at pakikipag-coordinate sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno.

Pagkatapos ng inagurasyon ng CDRRM Command Operation Center ay isinunod naman ang pagbabasbas ng Motorpool ng Pamahalaang Lungsod.

Nakipagkaisa sa gawain sina Cesar Caluag – CDRRMO, Kon.Ega Domingo, Kon. Niño Bautista, Kon. Enrico Capule, BFP CINSP. Rod Marquez, Micah Trine – Kinatawan, Tanggapan ng Punong Lalawigan,Ma.Luisa Tapican -PDRRMO, Raul Agustin – PDRRMO at CLGOO Digna Enriquez