
Buhay na buhay na ipinagdiwang ng Lungsod ng Malolos ang LagabLOVE 2024 noong ika-16 ng Hunyo, isang selebrasyon ng pagkakapantay- pantay, pagmamahal at respeto bilang pagkilala sa bawat miyembro ng LGBTQIA+ na malayo sa kahit anong uri ng diskriminasyon.
Matatandaan na noong Oktubre 2022, nagkaroon na nang simpleng pagdiriwang ang mga LGBTQIA+ kung saan naitaas ang kanilang kaalaman patungkol sa kanilang karapatan.
Sa kasalukuyan, sa pagtutulungan ng City Social Welfare and Development Office- Community Affairs Division na pinamumunuan ni Lolita SP. Santos, RSW, Local Youth Development Officer Bryan Santiago at sa pamamagitan ng suporta ni Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad kasama ang bumubuo ng Sangguniang Panlungsod, matagumpay na naisagawa ang kanilang inaabangang Pride Month Celebration.
Sinimulan ang programa sa isang Pride Parade na nilahukan ng mga makukulay na karosa mula sa iba’t-ibang barangay ng Lungsod.
Sinundan ito ng isang Pride March sa Liwasang Republika upang ipakilala ang bumubuo ng bawat cluster sa Lungsod at mga organisasyon na nakiisa at sumuporta sa programa. Kabilang na dito ang Team No Fears ng Izah Galvez Collections, Junior Chamber International Malolos at Marcelo H. Del Pilar National High School.
Ilan sa mga nagbigay ng solidarity speech ay si Konsehala Therese Cheryll “Ayee” Ople na tinaguriang Equality Champ, isang mambabatas na siyang nangunga sa Lungsod ng Malolos upang ipaglaban ang karapatan ng LGBTQIA+.
“Makibeki, huwag Mashokot!”, pahayag ni Ople upang hikayatin pa ang mga LGBTQIA+ na mas mapaunlad pa ang kanilang sarili, at sa pagsusulong ng pagkakapantay-pantay sa karapatan ng bawat indibidwal, ano man ang kasarian at pagkakakilanlan.
Nagbigay din ng pasasalamat at suporta sina CSWDO Head Lolita SP. Santos, RSW, City LGBT Federation President Jerome Tiongson,SK Federation President Rian Maclyn Dela Cruz, Konsehal Michael Aquino, Konsehal Troi Aldaba, Gender Equality Advocate Geli Bulaong, BulSU Bahaghari Punong- Raya Lovely Vasquez at ang tagapag-gabay ng Balur-Kanlungan na si Jaime De Guzman.
Naging bahagi din ng nasabing programa ang pagbigay ng mga serbisyo para sa mga LGBTQIA+ gaya ng libreng HIV Test at pamamahagi ng PrEP o ang Pre-Exposure Prophylaxis na pinangasiwaan ng Department of Health at City Health Office.
Samantala, nagpamahagi din ng libreng condom, lubricant at pagtuturo ukol sa Family Planning Methods ang CSWDO Population Welfare Division ng Lungsod ng Malolos.
Parte rin ng pagdiriwang ang libreng face painting, gayundin ang pamimigay ng libreng juice at tubig mula sa Association of Sangguniang Kabataan Secretaries.
Sa ikalawang bahagi ng programa, nagpakita ng kanilang talento sina Joshua Limpo, Amazing Bioday, Matt Walet, BulSU HyperDynamics, Mutya ng Pilipinas Bulacan 2023 Shannaine Lopez, Tomboy Philippines, LesQrew, at Pink Mannequins.
Sa pagtatapos, nagwagi sa kompetisyon ng mga karosa ng Barangay Cluster, ang Barangay Caniogan na nakatanggap ng P5,000, nagkamit naman ng ikalawang pwesto ang Barangay Mambog habang ikatlong pwesto naman ang Barangay Tikay at San Vicente bilang ika-apat na pwesto.
Ginawaran din ng parangal ang mga nanalo sa Cluster Category:
Champion- Cluster 3 (Barangay Sumapang Matanda, Bungahan, Liang, Guinhawa, Mojon, Catmon, Dakila, Mabolo at Sumapang Bata)
2nd Place- Cluster 2 (Barangay Panasahan, Look 2nd, Santor, Taal, San Pablo, Bagong Bayan, Matimbo, Anilao, Bagna, Balite at Cofradia)
3rd Place- Cluster 4 (Barangay Atlag, Bangkal, Calero, Canalate, Namayan, Niugan, Pamarawan, San Juan, Santiago, Sto. Cristo, Sto. Nino, Sto. Rosario at San Vicente)
4th Place- Cluster 1 (Barangay Babatnin, Barihan, Balayong, Bulihan, Caliligawan, Caingin, Longos, Look 1st, Lugam, Masile, Pinagbakahan, San Agustin, San Gabriel at Santisima Trinidad)
Biggest Delegation Award- Cluster 3 (kasama ang Barangay Caniogan, Ligas at Tikay)
Nakiisa rin sa pagdiriwang sina Konsehal John Vincent Vitug at Konsehal Noel Sacay.
Bilang bahagi ng Pride Month Celebration, inaasahan ang iba pang programa tulad ng BaranGAYnihan na magbibigay ng libreng HIV Screening, Health Awareness at Check-up gamit ang Mobile Clinic at Dental Bus ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa Barangay Tikay sa Miyerkules, Hunyo 19, Barangay Catmon sa Biyernes, Hunyo 21, at Barangay Matimbo sa susunod na Martes, Hunyo 25 pati na rin ang mga kalapit na Barangay nito.