Ngayong ika-13 ng Abril 2023, humigit kumulang na 1,000 benepisyaryo ang nakabilang sa ginanap na pamamahagi ng tulong-programa ng DSWD na AICS sa Waltermart Malolos.
Pinangunahan ni Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development Chairperson Imee Marcos ang pamamahagi ng ayuda, kasama sina Vice Governor Alex Castro, Mayor Christian Natividad, at Vice Mayor Miguel Bautista.
Ang AICS ay isang programa na isinisagawa ng DSWD kung saan ipinagkakaloob nila ang kanilang serbisyo para sa mga target beneficiaries tulad ng mga magsasaka, mangingisda, mga may kapansanan, at solo parents, upang sila ay makabawi sa pinsalang dala ng krisis na kanilang hinaharap
Pinasalamatan ni Mayor Christian Natividad ang mga nakiisa sa gawain, lalo na kay Sen. Imee Marcos para sa kaniyang patuloy na pagtanaw sa mga mamamayan sa Bulacan, lalo na sa Lungsod ng Malolos.
Naging bahagi naman ng pagbati ng Senadora ang kaniyang paghingi ng tulong sa Local Government Unit (LGU) sa pag-update ng impormasyon ng Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) na magiging basihan upang matukoy ang mga indibidwal na maaaring mapagkakalooban ng limang libong pisong Rice Farmer Support Fund.
Hindi nakalimutan purihin ng senadora ang mga mamamayan ng Malolos bilang masisipag, mahusay, at mabilis sa lahat ng bagay, ngunit nagiging hadlang ang kalagayan ng agrikultura sa bansa, kaya naman ay nasabi niya na kailangang magtulungan ang bawat isa-lumapit sa LGU ang mga nangangailangan ng tulong upang magpag-usapan ang mga maaring solusyon para sa problema. Dahil dito, sinabi niya na mag-iiwan siya ng limang milyong piso na gagamitin sa pagsasagawa ng mga proyektong pang-agrikultura sa Lungsod ng Malolos.
Sa pagtatapos, ay ibinahagi rin niya ang sinabi ng kaniyang lola na si Remedios Trinidad—pinanggalingan ng pangalan ng bayan ng Doña Remedios Trinidad, Bulacan na “anuman ang problema, ‘wag mawawalan ng pag-asa, sapagkat mas malawak ang langit kaysa sa lupa, mas maraming solusyon kaysa sa problema.”