
Ngayong ika-13 ng Marso 2025, sumalang ang mga kawani, tanggapan, at iba pang dibisyon ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos, pati na rin ang ilan sa mga national agencies sa isang pagsasanay upang mapabuti ang antas ng kanilang kaalaman at kakayanan sa pamamahayag.
Ito ay ginanap sa Training Room ng Malolos CDRRMO Operations Center.
Sa pambungad na pananalita ni City Information Division Head, Regemrei Bernardo, layunin ng gawain ang hubugin at magbigay ng bagong kaalaman at kasanayan sa radio hosting na isa sa mga makatutulong sa pagpapaganda pa ng kanilang mga programa.

Sa kanyang mensahe, binigyang diin niya ang kahalagahan ng husto, makabuluhan at napapanahong pagpapakalap ng impormasyon.
Sa kabilang banda, ibinahagi naman ng pangunahing tagapagsalita na si Bb. Roann D. Francisco, isang Social Media Specialist ng Coverdesk ang kahalahagan ng seminar-workshop na ito dahil magbibigay ito ng daan upang mas palawakin pa ang kaalaman ng mga host sa kahalagahan ng angkop na paggamit ng social media.

Aniya, mahalagang maunawaan ang dynamics ng online engagement para mas mapalakas pa ang kanilang programa. Ito aniya ang makatutulong para malaman ang interes ng kanilang mga taganunod at tagapakinig.
Nagbahagi rin sya ng mga paraan upang mas maging epektibo ang isang programa, tulad ng: paggawa ng Outline; maayos na pagpapalit ng paksa upang hindi malito ang mga nakikinig, at pagiging organisado sa mga paksa na tinatalakay, dahil iba aniya ang isang radio program na pinag iisipan, at pinaghahanadaan.
Sa ikalawang bahagi, ay binigyan ng pagkakataon ang mga dumalo sa workshop na ibahagi ang kanilang mga natutunan, sa pamamagitan ng aktwal na pag hohost sa radyo, kung saan ay naipamalas nila ang kanilang kakayahan sa pamamahayag.
Kasunod nito ay ang pagbibigay ng mga rekomendasyon nina Bernardo at Francisco upang mas lalo pang mapagigting ang kanilang kakayanan.
Inaasahan ang pagpapatuloy ng mga kahalintulad na gawain upang mahasa pa ang mga host ng MRRS.