Sa patuloy na paggunita sa pandaigdigang buwan ng kababaihan, muling nagpasinaya ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO), katuwang ang Konsehong Panlungsod para sa Kababaihan ng Malolos (KPK) ng “Hydroponics Training For Women” kung saan itinampok ang porma ng pagtatanim gamit lamang ang tubig, ganap na ika-22 ng Marso.
Isinapraktika sa ginanap na pagsasanay ang paraan ng pagtatanim gamit ang tubig taliwas sa pangkaraniwang paggamit ng lupa. Partikular na ibinahagi ni G. Arcie King Macapagal, tagapagdaloy ng pagsasanay, ang pagtatanim ng letsugas (lettuce) sa pamamagitan ng tubig, coco peat, at mga nutrients solution na makatutulong sa mabilis na pag-usbong ng mga gulay – gamit ang kratky method, isang paraan sa pagsasagawa ng hydroponics.
Saad din ni G. Macapagal na mas sustainable ang paraang hydroponics kumpara sa pagtatanim gamit ang lupa. 90% din ang matitipid na tubig sa pamamaraang ito.
Binigyang patunay din ni G. Macapagal na ang hydroponics ay makapaghahatid ng tulong pangkabuhayan (source of income) at mapapaigting ang seguridad ng pagkain sa lungsod.
Naghandog naman ng 10 stater kit ang CSWDO para sa mga dumalo na may kasalukuyan nang bakuran sa kani-kanilang tahanan bilang panimula sa hydroponics at makapagbigay dagdag kabuhayan sa mga samahan ng kababaihan ng Malolos.
Dumalo sa ginanap na pagsasanay ang Pinuno ng Tanggapan, Bb. Lolita SP. Santos, RSW; Gng. Digna C. Quinto, Pinuno ng KPK; Pang. Pangulo, Maria Cristina Dionisio; at KPK Barangay Coordinators.