Matagumpay na idinaos ng Maloleño youth ang isang makabuluhang forum, sa pangunguna ni Local Youth Development Officer Bryan Paulo S. Santiago.

Ang proyekto na may temang, “Boto ng Kabataan: Tinig ng Kinabukasan” ay isinagawa upang palakasin ang kamalayan ng kabataan tungkol sa kanilang mahalagang papel sa nalalapit na halalan.

Sa pambungad na pananalita ni Santiago, kaniyang ipinaliwanag ang mahalagang gampanin ng mga kabataan sa paghugis ng magandang kinabukasan ng lipunan.

Aniya, naniniwala siya ng ang kabataan pa rin ang pag-asa ng ating bayan.

Sa unang bahagi ng talakayan, ibinahagi ni Regemrei P. Bernardo, City Information Officer, ang paksang “Combating Fake News to Protect Electoral Integrity.”

Binigyang-diin niya kung paano maaaring maimpluwensyahan ng maling impormasyon ang pagpapasya ng kabataan sa eleksyon, kaya mahalagang maging mapanuri at responsable sa pagbabahagi at paglikha ng impormasyon.

Sumunod na nagsalita si Atty. Nicanor C. Guinto, Election Officer IV ng COMELEC Malolos na nagbigay-linaw sa proseso ng pagboto, at paghimok sa mga dumalo sa aktibong partisipasyon sa darating na eleksyon.

Kaniya ding binigyan ng pagkilala ang Maloleño Youth, sa naging inisyatibo nito upang mailunsad ang ganitong uri ng gawain.

Samantala, ibinahagi naman ni Engr. John Michael C. Cuenco, Youth Advocate at Kabataang Boluntir Initiative Adviser, ang kahalagahan ng boto ng kabataan sa pamamagitan ng paksang “Your Vote, Your Voice – The Catalyst for Change.” Ipinunto niya ang kanilang mga karapatan, responsibilidad, at ang epekto ng kanilang boto sa kinabukasan ng bayan.

Kasunod ng mga presentasyon ay nagkaroon ng isang panel discussion na pinangunahan ni Student Leader Cristina C. Cruz. Dito nabigyan ng pagkakataon ang mga lumahok upang makapagtanong sa mga pangunahing tagapagsalita patungkol sa ilang isyung kinakaharap ng mga kabataan.

Dumalo rin sa forum at nagbigay ng mensahe si SK President Rian Maclyn L. Dela Cruz, kasama ang iba pang SK Councilors, bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa adbokasiyang ito.

Ibinahagi niya na ang kabataan ay may mahalagang papel sa paghubog ng kinabukasan at may tungkuling maging ehemplo sa pagiging responsable at maalam na botante.

Sinundan ito ng pangwakas na pananalita ng kinatawan ni Vice Mayor Migz Bautista, Patrick S. Dela Cruz, na kung saan ay kaniyang ipinahiwatig ang kanilang kahandaan sa pagabot ng tulong at gabay sa mga kabataan tungo sa matalinong pagboto.

Nagtapos ang programa sa isang Ceremonial Signing of Pledge of Support bilang simbolo ng kanilang pakikisa sa patas, responsable, at makabuluhang pagboto sa darating na halalan.