LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan- Pinasinayaan kamakailan ang bagong Multimedia center sa Marcelo H. Del Pilar National High School nitong ika- 14 ng Pebrero
Ang nasabing pasilidad ay bahagi ng programa ng Pamahalaang Lungsod sa Edukasyon na naglalayon na makapaghatid ng dekalidad na serbisyo sa mga paaralan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga kagamitan na maaaring magamit bilang alternatibong kapamaraan ng pagtuturo.
May kabuoang Php 793,940 na halaga ang inilaan para sa pagpapaayos at pagbili ng mga kagamitan para sa bagong tayong multimedia center.
Ang pormal na pagpapasinaya ay ginanap sa pamamagitan ng isang live program kung saan ay naging panauhing pandangal si Punong Lungsod Bebong Gatchalian kasama si MHPNHS Principal IV Ma. Victoria Vivo.
Ayon sa panayam kay Punong Lungsod Gilbert Gatchalian, naging posible ang proyektong ito sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Local School Board at DepEd Malolos, na may nagkakaisang layunin na makapaghatid ng mga programang magaangat sa kapasidad ng mga estudyante at mga guro. Kung kaya naman, hangad niya na makapagpatayo din ng multimedia centers sa iba’t ibang paaralan sa Lungsod ng Malolos.
Ibinahagi rin niya ang paglalaan ng Php 500,000 kada taon na budget para sa bawat paaralan na maaaring gamitin para sa pagbili ng iba pang kinakailangang kagamitan at pagpapanatili ng kaayusan ng mga ito.
Dagdag naman ni Vivo, na ang pagkakaroon ng multimedia center ay bahagi ng kanilang paghahanda sa hybrid learning kung saan pinaghahalo ang virtual at face-to-face learning. Hangad rin nila na magsilbi itong oportunidad sa pagbubukas ng konseptong “school without walls” kung saan hindi lilimitahan ang pagkatuto ng mga bata sa loob ng silid-aralan.
Sa kasalukuyan ay nagagamit na ang video production studio at radio booth sa online telecast ng mga instructional at video lessons, gayundin ang mga bidyo na nakakatulong sa komyunidad.
Magiging hakbang din ito para sa planong makapagbukas ng isang 30-watt radio station na ang pangunahing responsibilidad ay ang matuling makapagpalaganap ng mga importanteng impormasyon sa loob ng paaralan at maging sa buong lungsod ng Malolos.