
Tinalakay ni Louie Albert Dela Cruz mula sa tanggapan ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) ang inaasahang magiging lagay ng panahon sa mga susunod na buwan. Aniya, inaasahan na may labing-isa (11) hanggang labing lima (15) na bagyo ang maaaring pumasok sa ating bansa simula ngayong Hunyo hanggang Disyembre.
Bilang paghahanda sa nasabing panahon ng tag-ulan, kasalukuyan na ring binabantayan ng City Health Office (CHO) ang kaso ng Dengue sa lungsod. Nagsasagawa rin ng malawakang Dengue Information Campaign ang CHO upang mahikayat ang mamamayan na maglinis ng kapaligiran upang maalis ang mga lugar na maaaring pamahayan ng lamok tulad ng lumang imbakan ng tubig at iba pa.
Tiniyak ni Cesar B. Caluag Jr. – City Disaster Risk Reduction and Management Officer, CDRRMO ang magiging kaayusan kung sakali na kinakailangan maglikas ng mga tao mula sa mga tukoy na high risk areas. Nagpahayag naman si PLT. Christopher Magallanes, kinatawan mula sa Malolos PNP,na handa sila na laging tumulong lalo na sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa evacuation center.Patuloy naman ang isinasagawang information dessimination tungkol sa fire safety ng BFP -Malolos. Ang BFP rin ang katuwang ng CDRRMO sa paglilikas at sa Water Search and Rescue (WASAR).
Upang maisiguro naman na mayroong sapat na relief goods para sa lungsod, iminungkahi ni Lolita SP. Santos, RSW – City Social Welfare and Development Officer, CSWD na makipag-tie up sa mga super market.
Sa pag-uulat ni Engr. Reynaldo Garcia – City General Services Officer, GSO, ang kanilang tanggapan ay nagsasagawa ng imbentaryo upang matiyak na naka kondisyon ang ating mga heavy equipment at mga trucks. Magsasagawa rin sila ng imbentaryo ng mga rain coats, PPE at iba pang mga kagamitan na maaaring kailanganin sa pag responde sa kalamidad at sakuna.
Patuloy ang pakikipag-koordinasyon ng City Agriculture Office sa mga sektor ng magsasaka at mangingisda upang matiyak na natutulungan sila ng Pamahalaang Lungsod sa kanilang pangangailangan at upang maisiguro rin na may sapat ng supply ng pagkain kung sakali na magkaroon ng kalamidad. Nakabantay rin ang City Veterinary Office sa pangunguna ni Dr. Jorge Crisostomo sa kasalukuyang kalalagayan ng ASF sa Lungsod ng Malolos.
Iniulat naman ni Arch. Pacoy Aniag – OIC, City Environment and Natural Resources ang kanilang tuloy tuloy na paglilinis ng kailugan at mga daang tubig upang maiwasan ang pagbaha. Tiniyak ni Anthony A. Mendoza – City Treasurer na ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos ay nakakapagsubi ng budget na nakalaan para sa Disaster and Calamity Response.