Sa mensahe ni Mayor Bebong Gatchalian, kaniyang kinuwento ang naging kasaysayan ng Katedral ng Malolos. Aniya, bago ito naging isang malaki at magandang katedral, dumaan ito sa maraming pagsubok. Ito ay nag palipat-lipat mula sa una nitong lokasyon sa pampang ng ilog ng Canalate hanggang sa kasalukuyan nitong kinalalagyan. Ang Katedral ng Malolos ay dumanas ng pagbaha, nasunog, nilindol at nagiba ngunit sa kabila ng masalimuot nitong kasaysayan, ito ay paulit-ulit na naitayo. Marami itong naging pagdapa, subalit paulit-ulit na naibangon. Ang Katedral ng Malolos ay magsisilbing inspirasyon at paalala sa mamamayan na paulit-ulit bumangon ng mas malakas at mas matatag sa kabila ng maraming pagsubok. Sa pamamagitan ng mga panandang pamana at pangkasaysayan, ang istruktura ng Katedral ng Malolos ay magsisilbing salamin ng nakaraan at inspirasyon sa makabagong henerasyon. Ito ay sagradong hakbang na ipreserba at protektahan ang pamanang gusali pati na ang mga nakapaloob ditong kasaysayan.
Sa pagpapaliwanag ni Antonia V. Constantino – Panlalawigang Tagapangasiwa, ang paglalagay ng mga panandang pamana at pangkasaysayan ay naglalayon na ipakilala ang kahalagahan ng istruktura gayundin ang protektahan ito sa ating nagbabagong panahon. Ito rin ay isang pamamaraan upang isulong ang preserbasyon ng pamana ng lahi sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay Dr. Rene Escalante – Tagapangulo, Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, ang Katedral ng Malolos ay pook lunsaran ng kalinangang bayan at pagkakakilanlan. Ito ay naging saksi sa pagdulog ng Kadalagahan ng Malolos kay Gobernador Heneral Weyler na makapag-aral ng wikang Espanyol at patuloy na inspirasyon ng mga makabagong kababaihan na ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Ito rin ay nagsilbing kanlungan ng pamahalaang rebolusyonaryo at unang republika ng Pilipinas. Ang paggawad ng panandang pangkasaysayan ay kumikilala sa ambag ng Katedral ng Malolos sa ating kasaysayan dahil ito ay naging saksi sa mga mahahalagang kaganapan sa ating lipunan at saligan ng matatag na pananampalataya ng ating mga kababayan.
Ang Paghahawi ng tabing sa panandang pamana at panandang pangkasaysayan ay dinaluhan rin nina Lub. Kgg. Dennis C. Villarojo, D.D – Obispo ng Malolos, Diyosesis ng Malolos, Rdo. P. Alberto DJ. Santiago, Kon. Rico Capule, Carminda Arevalo -OIC, Executive DIrector III L, NHCP at Dr. Eliseo Dela Cruz -Pinuno, Provincial History, Arts Culture and Tourism Office (PHACTO).