
Ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos ay naglaan ng P15 Million na pondo mula sa Special Education Fund para sa pagtatayo ng karagdagang mga silid-aralan sa Calero Elementary School. Ayon kay Mayor Bebong Gatchalian, sa kasalukuyan, ang Calero Elementary School ay mayroon lamang dalawang classroom na nilagyan ng maliliit na dibisyon upang maturuan ang 184 nitong mga estudyante. Kinakailangan din na magkaroon ng shifting schedules ang mga mag-aaral upang magkasya sila sa classroom. Dahil sa patuloy na lumalaking populasyon ng mga mag-aaral sa nasabing eskwelahan, pinagsumikapan ng Pamahalaang Lungsod na maglaan ng pondo para sa pagpapatayo ng karagdagang classroom. Aniya, iba ang gusaling pampaaralan ngBrgy. Calero kaysa sa iba pang mga gusali na ipinatayo ng PamahalaangLungsod,sapagka’t pinuhunanan ito ng maraming pangarap ng mga taga-barangay Calero.
Ang paaralan ng Calero ay larawan ng bayanihan ng Lokal na Pamahalaan kasama ang DepEd, mamamayan at mga pribadong organisasyon. Sa huli, binanggit ni Mayor Gatchalian na ang bagong gusaling pampaaralan ng Barangay Calero ay magsisilbing bagong pag asa, pagmamahal at suporta para sa pangarap at kapakanan ng makabagong henerasyon. Ito ay patunay na kayang isulong ang dekalidad na edukayon sa pamamagitan ng bayanihan
Bakas sa mukha ng mga guro at mga taga-barangay ang galak sapagkat ang kanilang paaralan ay magkakaroon na ng mga karagdagang silid-aralan. Sa ganitong pamamaraan mas magiging kaaya-aya ang kapaligiran ng eskwelahan at magiging mas maginhawa ang pag-aaral.
Ang ground breaking ceremony ng bagong school building ng Calero Elementary School ay dinaluhan nina Kon.Niño Bautista, Kon. Ega Domingo, Kap. Josefino Santiago kasama ang Sangguniang Barangay ng Calero. Nakipagkaisa rin sa gawain sina City Administrator Luisito Zuñiga, Engr. Ricasol Milan, Arch. Aaron Solis, PTA Pres. Wapo Niebres, Lorena S. Estidola – Punong Guro, Calero Elementary School , Norma P. Esteban – City School Division Superintendent, mga guro at mga kawani ng Pamahalaang Lungsod at ng DepEd Malolos.