Ang programang Pamanang Pangkalinangan Program ay bunga ng pananaliksik sa pagitan ng Department of Education at Malolos LGU na pinangunahan ng City Tourism Division kung saan naging bahagi ang kanilang pag-aaral sa nakaraang 2024 First Local Literacy Conference Research Caravan.

Ayon sa unang tagapagsalita na si Maria Che-Che N. Santos, Propesor sa BulSU Hagonoy Campus, nilalayon ng gawaing ito na paigtingin ang kaalaman ng mga tourist guide sa Lungsod ng Malolos hinggil sa Batas Republika Blg. 10066 o National Heritage Act of 2009, na may kakayahang magpalawak ng kanilang pangangalaga at pag-unawa sa kahalagahan ng kasaysayan at kultura ng bansa.

Sinundan ito ni Frederick John A. Macale na siyang tumalakay sa mga terminolohiyang ginamit sa nasabing batas, tulad ng Dambanang Pangkasaysayan, Pamanang Likas, Prehistori, Rekonstruksyon, Restorasyon, World Heritage Site at iba pang salita upang mas maging pamilyar at maunawaan ito ng mga dumalo sa gawain.

Samantala, ibinahagi naman ni Atty. Arjay P. Capitle ang kanyang kaalaman hinggil sa mga detalye ng batas, kasaysayan at mahahalagang aspeto na may kinalaman sa pagpapanatili at pagpapahalaga sa mga bagay at imprastraktura na konektado sa kasaysayan ng Malolos.

Kaniyang binigyang-diin na ang batas ay nagtatakda na lahat ng kultural na ari-arian ay dapat nakarehistro sa Philippine Cultural Registry. Mahalaga rin ang dokumentasyon at pangangalaga ng mga tradisyunal at makabagong sining tulad ng ‘’kaluto’’ at paggawa ng ‘’Puni’’.

Dagdag niya, may mga probisyon din ang batas na nagbibigay daan sa mga kasunduan sa pagitan ng mga ahensya ng kultura at mga pribadong may-ari ng kultural na ari-arian. Bawal din ang pagpapalit ng pangalan ng mga makasaysayang kalye, gusali, o mahahalagang ari-arian ng walang pahintulot mula sa National Historical Institute.

Ang batas ay nagbibigay din ng kapangyarihan sa Komisyon na maglabas ng mga cease and desist order para sa mga establisyemento, mag-issue ng compulsory repair order, mag-conduct ng inspeksyon sa mga museo, at mag-deputize ng iba pang mga ahensya ng gobyerno. Bukod dito, may mga itinakdang tungkulin din para sa mga ahensya ng kultura.

Sa pagtatapos ng programa, naging pangunahing paksa ni G. Jose Rolly Marcelino ang Lakbay Republika. Tinalakay niya ang tungkol sa mga istraktura na makabuluhan sa kasaysayan ng pagkakatatag ng Malolos, pati ang mga teorya sa pinagmulan ng pangalan ng lungsod.

Inaasahan na sa pamamagitan ng seminar ay mas maitataas pa ang kanilang kaalaman at kakayanan upang makapagbigay ng komprehensibong impormasyon at aral tungkol sa kasaysayan ng Malolos sa mga susunod pang henerasyon.

Sa pagpapatuloy ng programa, inaasahan ngayong ika-10 ng Mayo ang pagdalo ng 100 estudyante mula sa iba’t-ibang paaralan sa Lungsod ng Malolos.

Kabilang sa mga lugar na pupuntahan ang simbahan ng Barasoain, Immaculate Conception Parish Cathedral & Minor Basilica, Casa Real Shrine, at mga Ancestral House sa Kamestizuhan gaya ng Don Antonio Bautista Heritage House.