Naging sentro ng mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ginanap na pagdiriwang ng Ika-125 Taong Anibersaryo ng Pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas, na ihandog sa Republika ang isang Maginhawang Bagong Pilipinas.

Kailangan aniya paigtingin ang pag-ibig sa bayan upang mas maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat mamamayan, kagaya ng mga haligi ng Unang Republika na naitatag sa Malolos.

Inilatag din ni Pangulong Marcos na ang katangian ng isang Bagong Pilipinas ay may mas matibay na demokrasya, masiglang ekonomiya, seguridad sa hinaharap at matatag na bansa.

Kung magiging tuluy-tuloy aniya ang pagsasakatuparan ng mga nabanggit, magiging susi ito upang mapagtagumpayan ang laban sa kahirapan at kagutuman.

Kaya naman para magkaroon ng mas malaking kakayahan ang republika na tumugon sa mga pangangailangan ng karaniwang mga mamamayan, tiniyak ni Pangulong Marcos ang patuloy na pagpapatayo ng mas maraming mga maaayos at bagong ospital, paaralan, tubig at kuryente.

Gayundin ang pagpaparami ng mga disenteng trabaho na may magandang pasahod, mapayapang lansangan at komunidad at paglaban sa lahat ng uri ng katiwalian, pang-aabuso at kawalan ng katarungan.