Upang patuloy pang pagigtingin ang kalidad ng edukasyon, isinagawa ng City of Malolos’ I-Reinforce Committee ang isang Technical Assistance on Research-Based Projects on Literacy, Marso 20-22, na may layuning palakasin ang mga programa sa literasiya sa pamamagitan ng pananaliksik.

Halos 50 kasapi ang napabilang sa paglalahad ng paksa at bunga ng pananaliksik ng kumite.

Ang naturang aktibidad ay tumutugon sa pagpapaunlad ng literasidad sa Lungsod na siyang isa sa mga nais bigyang prayoridad ni Punong Lungsod Christian D. Natividad, katuwang ang Kagawaran ng Edukasyon.

Ayon sa pahayag ni Education Program Supervisor/Divion ALS Focal Person G. Salvador B. Lozano, nagsilbing inspirasyon aniya ang naging mensahe ni Mayor Natividad na, ‘’Kung walang kaalaman ang ating mamamayan, kanino natin ipamamana ang ating dakilang bayan’’, upang malikha ang kumite, at isulong ang naturang gawain.

‘’Sa pamamagitan ng mga naisagawang saliksik ng I-Reinforce Committee, mas mapapapalakas pa ang mga kasalukuyan at mga lilikhain pang mga programang may kaugnayan sa literasidad, ‘’ saad ni Lozano.

May kabuuang 14 na saliksik ang naisala, naipasa at natalakay sa gabay ni Dr. Christopher DC. Francisco, Department Head, Marcelo H. del Pilar National High School.

𝐊𝐚𝐡𝐚𝐥𝐚𝐠𝐚𝐡𝐚𝐧 𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐧𝐚𝐧𝐚𝐥𝐢𝐤𝐬𝐢𝐤

Sa pagsasaliksik, nakatitiyak na matutugunan ang pagpapaunlad ng pagkatuto kung saan magagamit ang mga alternatibong solusyon sa mga pangunahing suliranin sa edukasyon ng Lungsod.

Makakatulong ang naging resulta ng mga mananaliksik sa pagpalaganap at pagbuo ng mga polisiya, plano, at gawain na mag -aangat pa sa antas ng pagkatuto.

Kabilang sa naging pokus ng mga pag-aaral ang Historical Literacy, Waste Segregation and Management, Disaster Awareness and Preparedness, Employability, Teenage Pregnancy, Public Information, Mobile and Virtual platform for Information, Education and Communication, Women’s Rights, Sports, Youth Empowerment and Resilience, Rabies , Mother and child health care, at Micro certification program.

Nagsipagdalo sa gawain sina Chief of Staff/NLA Focal Person Fernando Durupa, kasama ang iba’t-ibang mga kinatawan mula sa Kagawaran ng Edukasyon, Tourism Division, CENRO, CDRRMO, CTECO, CSWDO, CIO, CAO, CLO, BJMP, Sports Division, Youth Division, CVO, at CHO.