Isinagawang muli ang programang pangkalikasan “Sagip Ilog para sa Kinabukasan” sa pakikipagtulungan ng City Agriculture Office – Fisheries Division, City Environment and Natural Resources Office, Municipal Agriculture Office ng Bayan ng Paombong, Philippine Army, City Fisheries and Aquatic Resources Management Council (CFARMC) – Bantay Dagat, at Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council – Paombong sa mga ilog ng Barangay Canalate, Calero, Atlag, Bagna, at Sto Niño Paombong nitong ika-12 ng Abril, 2023.

Ayon kay Aquaculturist Erica Vanessa L. Bulaong, ang layunin ng proyektong Sagip Ilog para sa Kinabukasan ay hindi lamang magbigay ng kamalayan sa mga mamamayan ng Lungsod ng Malolos upang maiwasan ang pagtatapon ng basura, kundi upang hikayatin din sila na maging bahagi ng paglilinis at pagpapabuti ng kalagayan ng mga ilog. Nais ng proyekto na ipakita sa mga taga-Malolos na ang pag-aalaga sa kalikasan, lalo na sa mga ilog, ay hindi lamang para sa kasalukuyan kundi para rin sa kanilang kinabukasan at ng kanilang mga anak. Dahil sa mga ilog ng Malolos nagmumula ang pangunahing kabuhayan ng mga mangingisda, mahalaga na pangalagaan ang mga ito upang matiyak ang kanilang hanapbuhay at ang pangmatagalang kapakanan ng kalikasan sa kanilang lugar.

Dagdag pa ni Bulaong, isa rin sa hangarin ng programang ang magpanatili ang kalinisan hindi lamang sa mga ilog na bumabalot sa Lungsod ng Malolos bagkus kasama na rin ang mga katabing ilog sa karatig – bayan gaya ng Paombong.

Dumalo at nakiisa sina Paombong Municipal Agriculture Office Dr. Geraldine San Juan, SSG Leonard D. Juniosa (FS) Philippine Army – Team Leader Public Affairs | 2Coy,7CMOBn,CMOR,Philippine Army, SSG Loren Victorino R. Quebedo (MS) Philippine Army – Assistant Team Leader PSYOPS, at mga kawani ng CENRO.