Bilang bahagi ng taunang pagdiriwang ng Solo Parent Family Week, na may temang “Solo Parent na Rehistrado, sa Gobyerno Tiyak na Protektado”, idinaos ngayong ika-24 ng Abril 2024 ang ikalawang Family day. Dinaluhan ito ng 102 na mga miyembro ng Solo Parents Federation sa Lungsod ng Malolos.

Tinalakay ng may akda na si Konsehala Therese Cheryll “Ayee” B. Ople ang Kautusang Panlungsod Blg. 39-2023, isang ordinansa na nagbibigay ng diskwento at iba pang benepisyo sa mga Solo Parents sa lahat ng mga Establisyemento sa Lungsod ng Malolos.

Ayon sa kaniya, alinsunod sa Batas Republika Blg. 8972 na inamyendahan bilang Batas Republika Blg. 11861 o mas kilala sa taguring “Expanded Solo Parents Welfare Act”, ang kautusan na naglalayong magbigay ng mga benepisyo at pribilehiyo sa lahat ng solo parents. Dagdag pa dito ang makapag bahagi ng mga serbisyo sa pagtataguyod na pangangasiwaan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO)-Community Affairs Division (CAD).

Dagdag pa niya bilang kasangguni ng konseho, kung kailangan balangkasin ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng ordinansa ay agaran na itong isagawa upang masiguro na lahat ng mga establisyemento sa huridikasyon ng Lungsod ng Malolos ay sumusunod dito.

Minamandato sa batas na ito na ang lahat ng solo parent at kanilang mga anak ay dapat na makatanggap nang 10% na diskwento at 12% na VAT exemption mula sa lahat ng mga business establishments sa tuwing tatangkilik ng mga medical supplements, school supplies, matrikula sa mga pampubliko at pribadong paaralan, hospital bill sa pribado man o pampublikong ospital, mga bayarin sa konsultasyon, laboratory, mga gamot at diskwento sa lahat ng pribado at pampublikong pasilidad na libangan.

Nagbigay din ng mensahe at pagbati si Konsehal Abgdo. Nino Carlo Bautista, ipinarating niya sa mga dumalo na isa siya sa kasangga ng mga solo parents bilang kanilang boses at tagapaglingkod sa pagtataguyod sa kanilang pamilya.

“May abogado kayong kakampi, pag kayo ay na-agrabyado, ipaglalaban ko kayo” ani Bautista.

Sinundan naman ito ng pagsuporta ni Lolita SP. Santos, RSW, pinuno ng CSWDO. Kaniyang binigyang-diin na may mga bagong programa at ordinansa pa na kanilang itutulak upang maipatupad sa pamamagitan ng Sangguniang Panlungsod na makakatugon sa pangangailan ng mga solo parent sa Lungsod.

Ayon sa kanya, ang programang ito ay parte ng pagkakaisa bilang pamilya. “Pagpatuloy po natin ang maganda nating hangarin para sa ating pamilya.” saad ni Santos.

Ilan sa mga naging tagapagsalita ay si Coach Geli Bulaong, Executive Assistant ng Tanggapan ng Punong Lungsod. Ayon sa kanya, taos puso na suporta at paglilingkod ang ibinibigay ni Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad sa pamamagitan ng pagsulong ng mga programa, proyekto at mga ordinansa para sa kapakanan at kaunlaran ng mga solo parents.

Ilan pa sa nagbigay ng kaalaman at mensahe ay si Thessa Alday, ng College of Industrial Technology, Bulacan State University, isang solo parent na nagbahagi ng kanyang karanasan bilang magulang na nagtaguyod na mag isa sa kanyang anak. Nag-iwan siya ng kataga para sa mga kapwa niya solo parents “Solo ako, pero kaya ko”.

Nagpahiwatig naman ng paghanga si ABC President, Vicente Jun Cruz sa mga sakripisyo at dedikasyon na pinaiiral ng mga solo parent, upang maayos na mapalaki ang kanilang mga anak at mabigyan sila na maginhawang buhay.

Sa ikalawang bahagi ng programa, nagtagisan ng liksi at lakas ang mga solo parents at kanilang mga anak sa dance contest at mga Larong Pinoy gaya ng patintero, piko, sack race, kadang-kadang at hula hoop na pinangasiwaan ni Toti Villanueva, Head of Sports Division.

Sa pagtatapos ng programa, ginawaran ng parangal ang mga nanalo sa nasabing kompetisyon:

Dance Contest (Mother and Daughter)

1st Place- Honnie Jane Cajalne, Kednie, Nathaniel at Chrina

2nd Place- Mitsuku at Donzalida

3rd Place- Joan Santiago at Leonora Santiago

Overall Champion sa Larong Pinoy

1st Place- Cluster 4 (Atlag, Bangkal, Calero, Canalate, Namayan, Niugan, Pamarawan, San Juan, Santiago, Sto. Cristo, Sto. Nino, Sto. Rosario at San Vicente)

2nd Place- Cluster 3 (Sumapang Matanda, Bungahan, Caniogan, Ligas, Tikay, Liang, Guinhawa, Mojon, Catmon, Dakila, Mabolo at Sumapang Bata)

3rd Place-Cluster 1 (Babatnin, Barihan, Balayong, Bulihan, Caliligawan, Caingin, Longos, Look 1st, Lugam, Masile, Pinagbakahan, San Agustin, San Gabriel at Santisima Trinidad)

4th Place-Cluster 2 (Panasahan, Look 2nd, Santor, Taal, San Pablo, Bagong Bayan, Mambog, Matimbo, Anilao, Bagna, Balite at Cofradia)

Ang programa ay pinangasiwaan ng mga miyembro ng CAD na sina Sofia P. Quetua at Michelle P. Del Rosario, Community Affairs Officer I, Jerome V. Caliwara, Maria Maribel G. De Guzman at Rolyn M. Roque.