
Ngayong Huwebes, ika-30 ng Marso 2023, ginanap ang aktibidad na table assessment ng 2023 Fisheries Compliance Audit (FishCa) Regional Validation Team sa lungsod ng Malolos. Ang mga miyembro ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Regional Office, Department of Environment and Natural Resources (DENR) Penro, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region III, at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), ay dumalo bilang evaluator sa nasabing assessment.
Nagbigay ng maikling paliwag si Noel Viray ng DILG Region III, na siyang validator ng assessment na aktibidad, tungkol sa FishCa. Ayon kay Viray, ang FishCa ay isang taunang assessment na layuning pagtibayin ang coastal management na ipinatupad ng lungsod. Sa kabuuan ng aktibidad, magbibigay ng puna at suhestiyon ang mga evaluator sa aktibidad upang maidagdag pa at maipatupad sa kanilang mga coastal implementation.
Sa pagsisimula ng aktibidad, nagsalita si Digna Enriquez, chief department head ng DILG III, tungkol sa kasalakuyang sitwasyon ng coastal area ng lungsod ng Malolos. Ayon nga kay Enriquez, hindi man daw perpekto ang kalagayan ng coastal area, ngunit nagkaroon naman ng patuloy na pag-unlad o development dito sapagkat masisipag ang mga parte ng City Agriculture, kaya naman ay tiyak niyang nasabi na mas nagkaroon ng reporma ang Coastal Area.
Ipinaliwanag naman ni Romeo Bartolo, head ng City Agriculture ng Malolos, na mayroong 11 na indicators tungkol sa sitwasyon ng coastal management ng lungsod ang kailangang suriin ng DILG upang matukoy kung ipinapatupad ng Local Government Unit (LGU) ang kautusan na inilaan ng Fishery Board of the Philippines.
Nagbigay ng mungkahi ang mga miyembro ng BFAR tungkol sa paglalagay ng boundary sa coastal area upang hindi magkaroon ng alitan sa pagitan ng ibang LGU. Kinakailangan din daw na mayroong fishing permit ang mga mangingisda bago pa sila makapasok ng coastal area.
Nasabi rin sa loob ng aktibidad na kailangan na ibahagi sa publiko sa pamamagitan ng mga post, ang patuloy na update sa coastal fisheries upang masigurado na naipapatupad talaga ang mga plano at suhestiyon sa coastal management.
Ibinahagi naman ni Viray na upang makakuha ng mataas na puntos sa final assessment ng 2023 FishCa ang lungsod ng Malolos, kinakailangan lamang nila na mas magbigay pansin sa nakalagay sa Philippines Fishery code at sa RA 10654. Kayang-kaya na raw tumaas ang puntos sa assessment ng Malolos sa pamamagitan ng simpleng pagsunod sa mga probisyon nito.
Sa darating na Abril gaganapin ang huling table assessment ng 2023 FishCa. Sa huli, pinaalala ni Viray na hindi lamang ginagawa ang mga hakbang na ito para sa puntos sa assessment, ngunit para sa kinakailangan na pagpapabuti ng coastal management ng bayan.