
Sa pangunguna ng Arts Culture Tourism and Sports Office, matagumpay na naisagawa ang Training Workshop on Flag and Heraldic Code noong Marso 28, 2025, sa audio visual room ng Barasoain Church. Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman ng mga opisyal ng barangay at ilang mga kinatawan mula sa Department of Education, tungkol sa RA 8491, o ang batas na nagtatakda ng wastong paggamit ng watawat at iba pang pambansang sagisag.
Pinangunahan nina Jose Roly G. Marcelino, tagapagdaloy ng programa, at Jose Ruel F. Paguiligan, curador ng museo, ang pagbibigay-kaalaman sa mga lumahok. Ayon kay Paguiligan, isang mahalaga ngunit tila nakakaligtaang gawain ang pagbibigay-galang sa watawat, kung kaya’t mahalagang muling ipaalala sa mamayanang Pilipino ang tamang paggalang dito.
Sa naging talakayan, tinalakay ni Gertudes N. de Castro, OIC ng Arts Culture Tourism and Sports Office, ang kahalagahan ng watawat bilang sagisag ng ating bansa. “Ang ating watawat ay kumakatawan sa ating pagkakaisa at kasarinlan. Ang Republic Act 8491 ay nagsisilbing gabay upang mapanatili ang respeto at dignidad nito,” aniya.

Ibinahagi rin ang makasaysayang papel ng Barasoain Church sa kasaysayan ng Pilipinas, kabilang na ang pagbubukas ng Unang Kongreso ng Malolos at pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas. Dahilan upang Ang Barasaoin Church ay isa mga lugar dito sa Pilipinas na pinapayagang nawagayway ang watawat ng 24 oras. Ayon sa tagapagsalita, na mula sa National Historical Commission of the Philippines o NHCP, mahalaga ang aktibong pakikilahok sa mga ganitong pagdiriwang upang patuloy na maipadama ang diwa ng nasyonalismo.
Kabilang sa mga tinalakay sa workshop ang kasaysayan ng watawat ng Pilipinas, mula sa pagkakalikha nito ng tatlong kababaihan sa Hong Kong, hanggang sa unang pagwagayway nito noong Mayo 28, 1898. Ipinaliwanag rin ang mga kahulugan ng mga simbolo ng watawat.
Binigyang-pansin din sa workshop ang ilan sa mga maling gawi sa paggamit ng watawat, kabilang ang paglalagay nito sa hindi tamang posisyon gaya ng isang paaralan sa Malolos na naobserbahang baligtad ang watawat. Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Ryan Tan ang programa ng pamahalaan na “Tapat sa Watawat”, na naglalayong turuan ang bawat paaralan sa bansa sa tamang paggamit at pagpapahalaga sa watawat.
Sa pagtatapos ng workshop, hinimok ang lahat ng dumalo na maging mas responsableng tagapagtanggol ng ating pambansang sagisag. Ayon sa Tourism Office, magpapatuloy ang ganitong mga pagsasanay upang higit pang mapalaganap ang kamalayang makabayan sa lungsod.
Ang watawat ng Pilipinas ay sumisimbolo sa ating kasarinlan. Ang ating kasaysayan ay madugo at madilim, ngunit sa panahon ng kadiliman, ang ating watawat ay naging simbolo ng pag-asa—isang sagisag ng bawat Pilipinong tumindig at nag-aklas laban sa mapang-abuso at mapang-api na sistema. Ito ay manipestasyon ng dugo, pawis, luha, tawa, at higit sa lahat, pagmamahal ng mga Pilipino. Kaya’t bigyan natin ito ng pagpapahalaga at paggalang, sapagkat sa panahon na laganap Ang pagkukunwari at puno ng kaguluhan, ito ang nagbibigay sa atin ng katauhan bilang Pilipino.