Sa pamamagitan ng inisyatibo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pamamagitan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) gayundin sa pakikipagtulungan ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO), matagumpay na naisagawa ang Tree Planting and Growing Activity sa Material Recovery Facility (MRF), Brgy. Matimbo.

Layunin ng programa na bigyang-diin ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng tree planting and growing activity bilang aktibong pagtugon sa mga isyu ng ekolohiya.

Bilang bahagi ng nasabing programa, naitanim ang kabuuang isang daang (100) saplings, na binubuo ng limampung (50) Narra, dalawampu’t limang (25) Fire Tree, at dalawampu’t limang (25) Caballero Tree.

Ayon kay Senior Jail Officer IV Henry M. De Guzman ng Malolos City Jail, ang bawat kasapi ng BJMP ay may adhikain na palawakin pa ang kampanya para sa pagpapaganda ng kalikasan sa pamamagitan ng pagtatanim ng puno sa ating kapaligiran.

Lubos din ang kaniyang pasasalamat sa Pamahalaang Lungsod sa patuloy na pagsuporta sa mga adbokasiya at programa ng BJMP.

Sa naging pahayag ni G. Amiel C. Cruz, Officer in Charge of City Environment and Natural Resources Office, ang programa na kagaya nito ay isa sa mga paraan upang maisakatuparan ang pangarap ng Lungsod.

“Let’s make Malolos a Green City” ani Cruz.

Kaniya ring binigyang halaga ang naging partisipasyon ng mga naging kaagapay sa programa lalo na sa pamunuan ng BENRO sa pamumuno ni Abgdo. Julius Victor C. Degala.

Iniulat din niya ang kabuuang 25,185 seedlings na kanilang naitanim sa iba’t-ibang parte ng Bulacan noong nakaraang taon at umaasa sila na mas marami pang maitanim ngayong taon.

Sa pamamagitan ng kinatawan ni Atty. De Gala na si BENRO Section Chief Forestry Ms. Rose Ann C. Cuaderno, kaniyang ibinahagi ang paglulunsad ng kanilang programang (202”4𝐾”) na nakatuon sa pagmamahal sa “𝑘𝑎𝑝𝑎𝑙𝑖𝑔𝑖𝑟𝑎𝑛, 𝑘𝑎𝑙𝑖𝑘𝑎𝑠𝑎𝑛, 𝑘𝑎𝑝𝑤𝑎-𝑡𝑎𝑜 𝑎𝑡 𝑘𝑎𝑙𝑢𝑠𝑢𝑔𝑎𝑛”.

Iniulat din niya ang kabuuang 25,185 seedlings na kanilang naitanim sa iba’t-ibang parte ng Bulacan noong nakaraang taon at umaasa sila na mas marami pang maitanim ngayong taon.

Nakiisa din sa gawain si City Information Officer Regemrei P. Bernardo, kung saan kaniyang ibinahagi ang programa ng Bayan ng Plaridel na kung saan ay hinihikayat ang mga Iskolar na Magtanim ng Puno. Malaki aniya ang maitutulong nito upang maituro sa mga kabataan ang pagpapahalaga sa kapaligiran.