Kaalinsabay ng lingguhang pagtataas ng watawat, inanunsyo ni Cristina R. Gutierrez, Head ng City Human Resource Management Officer (CHRMO), ang pagsisimula ng programa na “Work Ethics Towards Service-Oriented Government: Capability Building for the Employees of the City Government” na gaganapin sa 4th Floor, Auditorium ng New City Hall.

Mula sa pangunguna nina Punong Lungsod Atty. Christian D. Natividad, Pangalawang Punong Lungsod Miguel Alberto T. Bautista, at ang City Council, ito ay isinabuhay ng CHRMO.

Ito ay serye ng mga full-day seminar na may layuning makapagbigay ng serbisyo ang mga pampublikong empleyado ng Malolos na naaayon sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Simula ngayong ika – 15 ng Abril, ang programang ito ay may nakatakdang sampung mga araw hanggang ika – 10 ng Mayo kung saan lahat ng mga opisina ay aanyayahan na makiisa sa seminar na ito.

Tugon ang programang ito sa feedback na nasagap mula sa survey na isinigawa noong Pebrero hanggang Marso nina Sir Omar Magno Executive Assistant IV ng Mayor’s Office, Ms. Gertudes De Castro na Assistant City Administrator, at si Ms. Cristina Angeles ng City Human Resource Management Office.

Lumabas rito ang ilang puna tulad ng hindi maayos na pagtupad ng trabaho, hindi pagkakasundo sa mga opisina, hindi pagsunod sa chain of command, at hindi pagtaguyod ng mga empleyado sa mga polisiyang nakatakda.

Upang maiwasan ang mga problemang ito, ang mga sumusunod na paksa ay tinutukan;

* Spirituality at Work: How it Works (Tagapagsalita: Bishop Teodulo “Ted” Malangen)

* Understanding Personality and Ethics (Tagapagsalita: Ms. Cristina R. Gutierrez, EnP)

* R.A. 6713: Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (Tagapagsalita: Atty. Ferdinand Redulla)

Ang unang seminar ay patungkol sa “Money Matters” ni Bishop Ted na parte ng Jesus Christ the Deliverer Church.

Binigyang diin niya na ang lahat ng ating mga pagpapalang natatanggap ay mula sa Panginoon at ang mapagbigay ay mapagmahal na mas lalong pagpapalarin pa.

Kapag ito raw ay nasundan, “Mula ngayon pera na ang magmamahal sakin.” ani Bishop Ted.

Ang sumunod na speaker ay si Gng. Gutierrez, kung saan tinalakay niya ang personality at ethics.

Kanyang nilinaw na kahit may iba’t ibang mga personalidad, ito ay dapat fini-filter ng code of ethics bilang mga propesyunal.

Sinabi niya na mayroon tayong iba’t ibang mga sumbrerong sinusuot sa buhay, “Sa bahay doon mo pinapakita yung personalidad mo, pero kapag ikaw ay nasa gobyerno iba na ung hat mo… ang sinusunod na natin ay yung ethical standard para sa mga public servant.”

Ang huling speaker ay kasapi ng Office of the Solicitor General ng Department of Justice na si Atty. Ferdinand Redulla kung saan tinalakay niya ang iba’t ibang mga batas na nakaaapekto sa mga empleyadong parte ng gobyerno.

Bukod sa R.A. 6713 na Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, nagbigay ng kaalaman si Atty. Redulla sa ilan pang mga kasong maaaring harapin ng mga empleyado tulad ng Local Government Code, Safe Spaces Act, Anti-Red Tape Law, at Rules on Administrative Cases in the Civil Service.

Kanyang sinabi na nasasaad sa Artikulo 11 Seksyon 1 ng ating Konstitusyon na, “Public Office is a public trust”.

Ang mga empleyado ay may pananagutan sa taong bayan ayon sa mandato at ang lahat ng ito ay para matugunan ang service value na ipinangako ng ating alkalde na, “Dakila ang Bayan na may malasakit sa mamamayan”.

Ayon kay Gng. Gutierrez, hinihiling na ang programang ito ay maging daan upang muling mabuhay ang sigla ng mga empleyado sa pagseserbisyo.